Laro Ngayon

(Ynares Sports Center-Antipolo)

7:00 n.g. -- Rain or Shine vs Magnolia

TULUYANG tapusin ang serye at muling sumalta ng kampeonato ang tatangkain ng Magnolia sa muli nilang pagtutuos ng Rain or Shine ngayong gabi sa pagpapatuloy ng 2019 PBA Philippine Cup semifinals.

UAAP season 87 nagsimula na; Ateneo at UP, mauunang magbakbakan

Magtutuos ang Hotshots at ang Elasto Painters ganap na 7:00 ng gabi para sa Game 6 ng kanilang best-of-7 series sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.

Mula sa pagkakaiwan sa unang dalawang laro ng serye, ngayo’y lamang na ang Hotshots matapos ipanalo ang sumunod na tatlong laro.

Buhat naman sa 2-0, pamumuno sa serye, lumitaw ang kakulangan ng karanasan ng karamihan sa mga manlalaro ng Rain or Shine.

“Mas experienced yung mga taga-Magnolia when it comes to this kind of atmosphere and most of our guys are bagito so less experience when it comes to this,” pahayag ni ROS veteran big man na si Beau Belga.

Ayon kay Belga, kinakailangan ng mga nakababatang manlalaro ng koponan na masanay sa pressure na kaakibat ng playoffs upang muling makapag-deliver sa gitna ng matinding hamon.

Tinutukoy nito sina rookie Javee Mocon, sophomore Rey Nambatac, Kris Rosales, Norbert Torres at Ed Daquioag na malaki ang naging papel sa naunang dalawa nilang tagumpay sa semifinals bago nalantad ang kawalan nila ng playoff experience sa nakaraang tatlong laro ng serye.

“Hindi ito yung time para umayaw ka,”ayon kay Belga. “Sabi ko nga sa kanila, pag umabot to sa Game 7, ito yung hindi mo makakalimutan sa buhay mo.”

“And All-Filipino tournament ito. Next conference, di ka na magmamatter kasi may import ka na magdodominate. Ito talaga yung pinaglalabanan sa liga, yung All-Filipino Cup,” aniya.

-Marivic Awitan