MAHIRAP paniwalaan -- at halos imposibleng mangyari -- na walang hindi natataranta kapag tayo ay niyayanig ng malakas na lindol, tulad nga ng naganap na 6.1 earthquake kamakalawa. Hindi napigilan na magpulasan ng ating mga kababayan sa mga gusali, at maaring sa kani-kanilang mga bahay. Unang pumasok sa ating mga utak ang mistulang pagtakas sa ating kinaroroonan sa pag-asang makaliligtas sa panganib ng malakas na pagyanig.
Ang gayong situwasyon ay dagli namang ikinabahala ng pamunuan ng Phivolcs (Philippine Institute of Volcanology and Seismology) na laging nagtatagubilin na manatili sa ating kinaroroonan habang tayo ay mistulang idinuduyan ng nakakikilabot na lindol. At laging binibigyang-diin ng naturang ahensiya ng gobyerno na ang paglindol ay tumatagal lamang ng ilang segundo -- hindi minuto at lalong hindi oras. Ibig sabihin, masyadong mapanganib kung tayo ay kaagad tatakbo sa sandaling lumindol; hindi malayong tayo ay masapol ng babagsak na gusali, bahay o anumang istraktura.
Palibhasa’y dumanas na ng katakut-takot na pagyanig nang tayo ay aktibo pa sa pamamahayag, itinanim ko na sa aking utak ang tagubilin ng Phivolcs hinggil sa paghahanda kapag nagaganap ang lindol at iba pang kalamidad. Nahirati na tayo sa pag-cover ng gayong mga insidente -- sa pagsulat ng mga balita o news report na dapat malaman ng sambayanan.
Ito ang dahilan kung bakit tayo ay laging nakahanda sa anumang kapahamakan o kalamidad, tulad nga ng paglindol kamakalawa. Nagkataon na ako ay nanonood ng telebisyon nang biglang yuming ang aking kinauupuan; kaagad akong tumayo at mabilis na sumilong sa katabing lamesa upang kahit paano ay makaiwas na mabagsakan ng anumang bagay. At nanatili roon hanggang sa humina ang pagyanig na sinundan na lamang ng mumunting aftershocks.
Sa bahaging ito gumitaw sa aking utak ang kahindik-hindik na mga karanasan o jolt experiences, tulad nang yanigin ng malakas na lindol ang gusali ng dating Manila Times sa Sta. Cruz, Maynila, maraming taon na ang nakalilipas. Sa loob ng gusali kami inabutan ng malakas na pagyanig; kami ay mistulang nagsasayaw sa pasilyo ng naturang gusali at ‘tila idinuduyan.
Matagal ding sinuri ang katatagan o yaong tinatawag na ‘integrity’ ng nasabing gusali hanggang sa ito ay ideklarang ‘condemned’ na marapat nang gibain. Ang ganitong situwasyon ay inabutan, sa aking pagkakatanda, ng deklarasyon ng martial law. Tuluyan na itong ipinasara at kami ay tuluyan na ring nawalan ng trabaho dahil nga sa pagkamatay ng kalayaan sa pamamahayag o press freedom.
Sa kabila nito, mananatili tayong matatag sa gitna ng pagkataranta kapag tayo ay niyayanig ng malakas na lindol.
-Celo Lagmay