SA ikaapat na pagkakataon, muling bibiyahe si Pangulong Rodrigo Duterte patungong China ngayong linggo. Sa kanyang state visit sa China noong nakaraang taon, personal na inimbitahan ni Chinese President Xi Jinping si PRRD na dumalo sa Second Belt and Road Forum (BRF). Ang nasabing pagbisita ay kasunod ng naunang tatlong biyahe papuntang China—isang state visit noong Oktubre 2016, pakikibahagi sa First Belt and Road Forum noong Mayo 2017, at ang Boao Forum noong Abril 2018.
Ang mga presidential visits ay mahalaga sa pagpapatupad ng mga polisiyang panlabas dahil pinatatatag nito ang ating ugnayan sa iba pang mga bansa. Hindi rin mapasusubalian ang epekto ng mga presidential visits sa pagsusulong ng pagtutulungang pang-ekonomiya (bilateral man, regional, o global) at sa pagpapalawak ng merkado at kalakalan ng ating bansa. Masuwerte akong napabilang sa delegasyon ng Pilipinas, kasama ang mga opisyal ng pamahalaan at iba pang mga kinatawan ng sektor ng negosyo.
Noon, ginamit ng mga Pangulo ang mga opisyal na pagbisita sa ibang mga bansa upang itaguyod ang ating pambansang interes sa daigdig. Si dating Pangulong Fidel V. Ramos na lang, halimbawa, ay ginamit ang kanyang mga biyahe upang isulong ang kalakalan at turismo sa Pilipinas.
Simula nang mahalal noong 2016, nagsunud-sunod na ang presidential visits ni Pangulong Duterte upang ipakilala ang kanyang estratehiya sa ugnayang panlabas na nakatuon sa pagpapasigla ng ating pakikipagkaibigan sa Amerika at pagpapalawak ng ating ugnayan sa iba pang mga bansa, tulad ng Russia, Japan, China, at ng ating mga karatig-bansa sa ASEAN.
Sa unang biyahe ni Duterte sa labas ng bansa bilang pangulo, nagtungo siya sa Laos upang dumalo sa 28th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit, at dito nagkahugis ang mga pagbabago sa polisiyang panlabas ng Pilipinas. Sa iba pang mga aktibidad, hinarap niya ang mga kapwa niya pinuno mula sa Japan, Singapore, New Zealand, Vietnam, ang punong-abala na Laos, at higit sa lahat, ang Russia.
Kinansela ng White House ang nakatakdang pulong niya kay noon ay US President Barack Obama, bagamat kaswal na nagkaharap ang dalawang lider sa isa pang pagtitipon. Subalit kung ikokonsidera ang ilang dekada nang “special relations” sa pagitan ng Pilipinas at Amerika, ang katotohanang hindi ang harapang Duterte-Obama ang pangunahing tampok sa nasabing biyahe ng ating Pangulo ay nagpapakitang may bagong direksiyong tinatahak ang administrasyong Duterte.
Ang opisyal na pagbisita ni Duterte sa Tokyo noong Oktubre 2016 ay nakatuon naman sa mga usaping pang-ekonomiya at depensa. Partikular na nakinabang sa nasabing biyahe niya ang ating Sandatahang Lakas, sa larangan ng capacity-building trainings, at higit sa lahat, ang pagkakaroon natin ng karagdagang patrol boats, trainer aircraft, at high-speed na barko na lubhang mahalaga sa pagtiyak natin sa seguridad sa ating karagatan. Bukod pa rito ang mga alok na pamumuhunan at pautang na may kabuuang $19 billion, para sa imprastruktura, pagpapasigla ng agrikultura, depensa, at pagpaparami ng trabaho.
Sa makasaysayan namang pagbisita ni Duterte sa Russia noong Mayo 2017 ay nilagdaan ang mga kasunduan sa pagtutulungang pangdepensa, pagbabahagi ng intelligence information, pagsusulong ng agrikultura, kalakalan, turismo, kultura, ugnayang panlabas, transportasyon, at ang payapang paggamit ng enerhiyang nukleyar. Gayunman, napaiksi ang biyaheng ito dahil sa pagsalakay sa Marawi City, na kinailangang kaagad na tugunan ng commander-in-chief makaraan siyang magdeklara ng batas militar sa buong Mindanao.
Ang tatlong naunang pagbisita ng Pangulo sa China (at ang kalaunan ay pagbisita rin sa Pilipinas ni President Xi) ay makasaysayan din dahil naging hudyat ito ng bagong kabanatan sa ugnayan ng dalawang bansa, na naapektuhan dahil sa agawan sa teritoryo at geopolitical issues.
Labis akong nae-excite sa ikaapat na pagbisita ng Pangulo sa China dahil ang 2nd Belt and Road Forum for International Cooperation, sa kauna-unahang pagkakataon, ay dadaluhan ng mga kasapi ng Asia-Pacific business community. Ito ang binigyang-diin ng Chinese President nang ihayag niya ang pagdaraos ng ikalawang forum. Tiyak nang iba ito sa naunang pagpupulong, kung saan karamihan sa mga dumalo ay mula sa pamahalaan at mga eksperto.
Umaasa ako na sa pamamagitan ng pulong na ito ay magkakaroon ng mas kongkretong plano at gabay upang maisakatuparan ang mga hinahangad ng 1st BRF Joint Communiqué tungkol sa “importance of expanding economic growth, trade and investment based on level-playing field”, at higit sa lahat, “consultation on an equal footing…including respecting the sovereignty and territorial integrity of countries; formulating cooperation plans and advancing cooperation projects through consultation”.
-Manny Villar