NANG minsan pang hikayatin ni Pangulong Duterte ang iba’t ibang grupo ng mga rebelde na magkaharap-harap sa isang usapang pangkapayapaan, nabuo sa aking utak na siya ay hindi nagsasalita nang patapos, wika nga. Natiyak ko na nasa likod ng kanyang kaisipan ang matinding hangaring matamo ang pangmatagalang kapayapaan o lasting peace hindi lamang sa Mindanao, kundi sa buong kapuluan.

Totoo na paulit-ulit na tinutuldukan ng Pangulo ang lumamig-uminit na peace talks sa pagitan ng gobyerno at ng CPP/NDF/NPA (Communist Party of the Philippines/National Democratic Front/New People’s Army). Gayundin ang usapang pangkapayapaan sa iba’t ibang sektor ng mga rebelde sa Mindanao, tulad ng mga miyembro ng MILF ( Moro Islamic Liberation Front), MNLF (Moro National Liberation Front), BIFF (Bangsamoro Islamic Freedom Fighters), at iba pa.

Halos magpuyos sa galit ang Pangulo sa paghikayat sa naturang mga grupo na magkaisa sa pagtalakay ng makabuluhang mga isyu sa isang negotiating table; masasalimuot na usapin na nangangailangan ng paglilinaw tungo sa tunay na pagkakasundo. May pagkakataon na ang mismong mga tagapayo ng mga rebelde ay ipinaaresto niya dahil sa kawalan ng kooperasyon ng mga ito sa pagtupad ng kanilang misyon.

Subalit tulad ng isang ama, naniniwala ako na marapat lamang maging matiyaga ang Pangulo sa pagsusulong ng usapang pangkapayapaan sa ating mga kapatid na rebelde na hanggang ngayon ay walang humpay sa paghahasik ng mga panliligalig sa mga komunidad. Isa itong localized peace talks na isasagawa sa ating bansa at hindi sa foreign lands na tulad ng Netherlands, Malaysia, Libya at iba pa.

Nakalulugod mabatid na ang planong usapang pangkapayapaan ay lalahukan hindi lamang ng mismong mga rebelde kundi ng iba pang sektor, tulad ng militar at iba pang community leaders. Higit kaninuman, sila ang nakaaalam ng mga patakaran na dapat balangkasin; mga regulasyon na katanggap-tanggap sa lahat. Ang peace talks ay gaganapin sa mga lugar na talamak sa malalagim na karahasan.

Kailangang maging bahagi na ng mapayapang lipunan ang mga armadong NPA. Maging ang mga rebeldeng elemento ng MNLF, MILF, BIFF at iba pang bandidong muslim na tulad ng Abu Sayyaf at iba pang mapanligalig ay dapat makiisa sa pamahalaan. Hindi na dapat umiral ang iringan sa nasabing mga grupo. Nakapanlulumong masaksihan ang pagdanak ng dugo ng mga kapuwa Pilipino.

Ang kanilang ipinaglalabang mga simulain ay marapat ngayong maging bahagi ng hinahangad nating lasting peace—ang sukdulan ng mga pangarap ng sambayanang Pilipino.

-Celo Lagmay