NASA kalagitnaan na tayo ng panahon ng tag-init sa Pilipinas, kung saan maraming bayan at mga lungsod ang umaabot sa “dangerous heat index” na 41 degrees hanggang 54 degrees Centigrade. Iniulat ng Philippines Atmospheric, Geophysical, at Astronomical Services Administration (PAGASA) na 49.2 degrees ang naitala nitong Huwebes sa Guiuan, Samar.
Mas mababang init naman ang naitala sa iba’t ibang lugar sa bansa—45.8 degrees sa Ambulong, Batangas; 44.4 degrees sa Daet, Camarines Norte; 44.5 degrees sa Dagupan City, Pangasinan; 44.4 degrees sa Sangley, Point, Cavite; 43.2 degrees sa NAIA sa lungsod ng Pasay; 42.4 degrees sa Casiguran, Aurora; 42.2 degrees sa Masbate City, Masbate; 42.1 degrees sa Clark, Pampanga; at 41.4 degrees sa Port Area, Manila.
Tanging Baguio City sa mataas na kabundukan ng Benguet ang lumalabas na maayos ang kalagayan ngayong summer season—nasa 24 degrees lang—dahilan kaya daang libo ang nagsisiksikan sa mga kalsada para umakyat sa Baguio. Walang inaasahang bagyo na magdadala ng ulan at mababang temperatura. Tanging ang maalinsangang hangin mula sa karagatang Pasipiko.
Sa mga panahong ito, marami ang naghahangad na magsimula na ang pag-uulan sa huling bahagi ng Mayo, dala ng hanging habagat mula sa timog-kanluran. At kapag nanalasa na ang baha sa panahon ng tag-ulan, kasabay ng sunud-sunod na pagpasok sa bansa ng mga bagyo, hangad naman natin ang pagdating ng amihan mula sa malamig na hilaga.
Ito ang takbo ng panahon sa Pilipinas at dapat ay sanay na tayo sa ngayon, bagamat mapapansin ang pagdating sa bansa ng mas malalakas at mapaminsalang mga bagyo kumpara sa dati. Mas matagal at malakas ang mga pag-ulan. At higit na mainit ang panahon. Isinisisi ito ng marami sa climate change na dulot ng maraming salik na hindi natin makontrol sa ating bansa—mas malakas na carbon dioxide emissions mula sa mga industriya ng bansa, na nagreresulta sa pagtaas ng pandaigdigang temperatura, na nagdudulot naman ng pagkatunaw ng malalaking tipak ng yelo, at nagpapataas sa antas ng karagatan, na lumilikha ng mas mapaminsalang mga bagyo.
Nakikibahagi tayo sa pandaigdigang hakbangin para pigilan ang pagtaas ng temperatura ng daigdig sa 1.5 degrees Centigrade sa Industrial Revolution level, ngunit higit na pasanin na responsibilidad ang nakasalalay sa malalaking bansa, kabilang ang Amerika at China.
Ang tanging magagawa natin bilang isa sa maliliit na bansa ay ang gamitin nang ayos ang ibinigay sa atin ng kalikasan. Marami tayong natatanggap na ulan tuwing tag-ulan na kinakailangan natin itabig at iimbak sa mga dam at weir, upang magamit sa panahon ng tag-init at maiwasan ang pagdanas natin sa kakulangan ng tubig.
Nasa gitna na tayo ng napakainit na panahon ngunit malapit na, ilang linggo na lang, ay muli na namang mag-uuulan. Kasabay ng pagtatayo ng mga kalsada at tulay, paliparan at mga pantalan, at mga bagong gusali sa ilalim ng “Build, Build, Build” program, dapat ding magplano ang pamahalaan ng mga imprastruktura para sa darating na tag-ulan, upang maitabi ang isa sa mga matindi nating kailangan kamakailan, ang tubig, na sagana naman sa panahong iyon.