PARA sa isang bansa na mahigit 80% ng kabuuang populasyon ay binubuo ng mga Katoliko, ang Semana Santa ay isang sagradong panahon ng pagninilay-nilay sa kabuluhan ng mga naging sakripisyo at ng pagkabuhay ni Hesukristo.
Ito ang panahong nagsisiuwi sa mga lalawigan ang mga Pilipino—upang bisitahin ang mga kamag-anak o magbakasyon kasama ang pamilya. Subalit ang ilan ay pinipiling manatili sa Metro Manila upang ma-enjoy ang bibihirang katahimikan at kawalan ng trapiko sa mga lansangan.
Ang pansamantalang pamamahingang ito mula sa kaabalahan ng pang-araw-araw na pamumuhay ay nagbibigay sa atin ng oportunidad na papaglinawin ang ating mga isip, sa pag-asang gaya ni Hesus ay makararanas din tayo ng “muling pagkabuhay” makalipas ang isang linggong pagninilay-nilay para sa Kuwaresma upang maharap natin ang buhay nang may pinag-ibayong sigla at pananampalataya.
Ang ilang araw na bakasyon ay dapat na magbigay din sa atin ng panahong pagnilay-nilayan ang ating buhay. Nangangahulugan ito ng pagbabalik-tanaw at pagbibigay kabuluhan sa ating mga naging karanasan. Bilang mga tao, natututo tayo sa ating mga naging karanasan at pagkakamali. Subalit maaari lang nating matukoy ang aral kung tatanungin natin ang mismong ating sarili kung ano ang aral na nais nating matutuhan sa mga naging karanasang ito, lalo na habang patuloy tayong nakikipaglaban sa buhay.
Naaalala ko noong bata pa ako, habang abala sa paglalaro sa labas ang ibang bata sa lugar namin, mag-isa akong nakatanaw sa langit mula sa aming bintana. Tatanungin ako ng aking ina, si Nanay Curing, “Ano bang iniisip mo at mukhang malalim?”Pero nagpapasalamat ako na hinayaan lang ako ni Nanay Curing. Pinagbigyan niya ako sa panahong mas gusto kong mag-isa at mag-isip. Dapat na gamitin natin ang bakasyong ito ng Semana Santa upang pagnilayan ang buhay at mga naging sakripisyo ni Kristo, at kung paano ito magdudulot ng inspirasyon sa sarili nating mga buhay.
Ang Abril 17 ay Miyerkules Santo. Batay sa panahon ng Kuwaresma, ito ang araw na nagpasya si Hudas Eskariote na ipagkanulo si Hesus. Isinalaysay ito ni Mateo sa Bibliya (26:14-16):
Isa sa Labindalawa—ang may pangalang Judas Escariote—ay nakipagkita sa mga punong pari at nagtanong, “Ano po ang ibibigay ninyo sa akin kung tutulungan ko kayong madakip si Hesus?” Noon di’y binayaran nila si Hudas ng tatlumpung pirasong pilak. Simula noon, humanap na si Judas ng pagkakataon upang maipagkanulo si Hesus sa kanila.
Isa ito sa mga pinakamakapangyarihang kuwento sa Bibliya. Ito marahil ang pinakapopular na pagtatraydor sa kasaysayan, kahilera ng pagkakanulo ni Brutus sa malapit niyang kaibigang si Julius Caesar, na nagpasikat sa klasikong linyang “Et tu Brutus?”.
Ang pagtatraydor sa isang tao ay nangangahulugan ng pagsira sa tiwala, sa kontrata o kumpiyansa ng isa pa, gaya ng pagtataksil ng isang mister sa kanyang misis, na malinaw na paglabag sa sinumpaan niyang laging magiging tapat sa kanya. Maaari rin itong mangahulugan ng pagkampi sa kalaban, gaya ng pagtatraydor sa isinusulong ng isang organisasyon o isang bansa. Papasok sa ating isipan ang mga Makapili sa sarili nating kasaysayan. Ang pagtatraydor ay kakabilangan din ng pagtalikod sa ipinangako sa isang tao, na ang kapalit ay pagkawala ng kanyang tiwala.
Lahat tayo ay nakaranas nang mapagtrayduran. Minsan, mismong mga mahal pa natin sa buhay ang gumawa, minsan sa trabaho. Sa pulitika, masasabing pangkaraniwan na lang ang pagtatraydor. Naaalala ko noong aktibo pa ako sa pulitika, marami ang sumusumpa ng katapatan, pero handa namang saksakin ka sa likod kapag hindi ka na kapaki-pakinabang sa kanila. Ganito rin ang nangyayari sa negosyo at sa trabaho. May katrabahong aangkinin ang puri na para sa naging pagsisikap mo, o maaaring hindi tumupad ang katransaksiyon sa kontratang napagkasunduan ninyo.
Ang mga naging karanasan ko sa mundo ng pulitika at negosyo ang nagturo sa akin ng aral laban sa pagtatraydor: matuto mula rito, mag-let go, at mag-move on. Natural lang na maging masakit ang hindi pahalagahan ang ibinigay mong tiwala, pero dapat na magbigay din ito sa iyo ng pagkakataon upang maunawaan ang iyong mga kahinaan at ang ugali ng mga taong nakapaligid sa iyo. Tandaan mo, ang anumang hindi humantong sa iyong kamatayan ay tiyak na magpapatatag sa iyong pagkatao.
Subalit ang pinakamahalaga sa lahat ay ang kalimutan na lang ang nangyari at magpatuloy sa buhay. Hindi maaaring habambuhay ka na lang na mabuhay sa pagiging miserable. Kailangang tanggapin mo na bagamat may likas na kabutihan ang bawat tao, ang ilan sa atin ay nagkakamali sa ating mga desisyon. Kaya mahalagang maging tama ang desisyon mong mag-move on na lang. Masyadong mahalaga ang buhay upang sayangin lang sa pagmamaktol. Ang bawat isang pagtatraydor na naranasan ko ay nakatulong upang maging mas wais akong pulitiko, matalinong negosyante, at higit sa lahat, mas mabuting tao.
-Manny Villar