Pinawalang-bisa ng Court of Appeals ang arrest warrant na ipinalabas ng korte sa Cavite laban sa abogado na dating nagsampa ng kaso sa International Criminal Court laban kay Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng drug war.

Sa kautusan ng CA-9th Division, pinagbigyan ng hukuman ang petisyon ni Atty. Jude Sabio na kumokontra sa warrant na inilabas ni dating Trece Martires Regional Trial Court Judge at ngayo’y CA Justice Emily Alino-Geluz.

Ang kaso ay nag-ugat sa pagkabigo umano ni Sabio na sumunod sa Mandatory Continuing Legal Education (MCLE) program na nag-oobliga sa mga abugado na mag-aral kada tatlong taon.

“While it is true that non-compliance with MCLE requirement merits a fine, nowhere is it provided in the MCLE rules that subsidiary imprisonment shall be imposed for non-payment or insolvency,” ang bahagi ng kautusan ng korte.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

“Worse, nowhere is it stated that the courts may even penalize non-compliance with MCLE rules,” sabi nito.

Paglilinaw ng CA, dapat na ipinaalam ng mahistrado sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) Committee on Bar Discipline ang pagsuway ni Sabio sa programa.

Tinukoy din ng korte ang Bar Matter No. 850, kung saan maaari lamang gawing delinquent member ng IBP ang mga pasaway na abugado.

Matatandaang inilabas ni Geluz ang warrant nitong Marso 7, 2018 nang mabigo si Sabio na magbayad ng P2,000 multa nang matuklasang expired na ang MCLE compliance certificate nito.

Noong 2017, naghain ng reklamo si Sabio sa ICC kung saan humihiling na usigin si Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang opisyal ng pamahalaan dahil sa nagawang krimen laban sa sangkatauhan bunsod ng naganap na mass killings sa kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.

Jeffrey G. Damicog