BUNSOD ng panibago at walang patumanggang pagtaas at pagbaba ng presyo ng mga produkto ng petrolyo at ng iba pang pangunahing bilihin, tayo ay mistulang pinaglalaruan at tinatakaw-takaw ng ilang oil companies at ng mapagsamantalang negosyante. Isipin na lamang ang nakagawian nilang katiting na oil rollback at halos sagad-sagad na pagtaas ng presyo ng langis, gasolina, diesel, gaas o kerosene. Anumang oras ngayon halimbawa, masasaksihan na naman natin ang gayong nakadidismayang eksena. Bahagi ito ng doble-dobleng dagok o double whammy na bubundol sa ating mga kababayan.
Nakakukulili na sa pandinig, wika nga, ang nakasasawang pangangatwiran ng mga kumpanya ng langis: Ang pagbabago ng presyo ng kanilang mga produkto ay bunsod ng pabago-bagong halaga ng inaangkat nilang krudo. Ang pasya hinggil dito ay itinatakda ng Oil and Petroleum Exporting Countries (OPEC). Hindi lamang sa Middle East ito ipinatutupad kundi maging sa United States at sa iba pang bansa sa Europe.
Mabuway ang naturang pangangatwiran, lalo na kung pag-uusapan ang pagtatakda ng presyo ng petrolyo. Natitiyak ko na ang Oil Deregulation Law (ODL) ang pinakamatinding kapangyarihan ng mga oil companies sa sinasabing pagpapahirap sa sambayanan, lalo na sa mga motorista. Mistulang pinapayagan ng nasabing batas ang hindi patas na pagnenegosyo; at walang magawa ang gobyerno maliban na lamang kung mapapawalang-bisa ng Kongreso ang nabanggit na batas.
Isa pang matinding dagok na sisindak sa atin ang hindi na mapigilang pagtaas ng singil sa kuryente. Laging iminamatuwid ng Meralco at ng iba pang power agency na kakulangan ng power reserve ang dahilan ng panibagong pagtaas ng bayad sa elektrisidad. Tila nais makisabay ng naturang kumpanya sa pagpapahirap sa nagdurusa nang sambayanan. At waring gusto pang sisihin nito ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa pagnipis ng power reserve.
Maging ang mga water concessionaires -- Maynilad at Manila Water -- ay ibig ding makisabay sa pagdagok sa taumbayan sa pamamagitan ng pagtataas ng singil sa tubig. Isa itong malaking kabalintunaan, lalo na kung iisipin na kamakailan lamang ay katakut-takot nang pahirap ang naidulot ng mga ito sa water consumers. At tila kakatuwa ang kanilang dahilan: Pagbaba ng water level sa mga dam na tulad ng La Mesa dam at iba pang imbakan ng tubig
Pati presyo ng ating pangunahing mga pangangailangan at mga bilihin ay hindi rin mapigilan sa pagtaas dahil naman sa sinasabing reaksiyon ng ilang negosyante sa pabagu-bagong singil sa krudo, elektrisidad at tubig. Nakikisakay kaya sila sa hindi patas na pagnenegosyo ng ilang kapitalista?
Anuman ang totoo rito, makabuluhang pagtuunan ng administrasyon ang pagsangga sa nabanggit na doble-dobleng dagok o double whammy na mistulang nagpapalumpo sa sambayanan.
BUNSOD ng panibago at walang patumanggang pagtaas at pagbaba ng presyo ng mga produkto ng petrolyo at ng iba pang pangunahing bilihin, tayo ay mistulang pinaglalaruan at tinatakaw-takaw ng ilang oil companies at ng mapagsamantalang negosyante. Isipin na lamang ang nakagawian nilang katiting na oil rollback at halos sagad-sagad na pagtaas ng presyo ng langis, gasolina, diesel, gaas o kerosene. Anumang oras ngayon,
-Celo Lagmay