NAKAPANLULUMONG mabatid na tatlo sa bawat 10 health facilities sa Pilipinas ay walang malinis na palikuran. Ibig sabihin, ang mga kubeta sa ilang ospital sa ating bansa ay hindi masyadong malinis, isang problema na maaring makasama sa kalusugan hindi lamang ng ating mga pasyente kundi maging sa mga dumadalaw sa nasabing mga pagamutan.
Bukod dito, natuklasan din ng World Health Organization (WHO) and UNICEF Joint Monitoring Programme for Water Supply Sanitation na walang mga kubeta ang ilang ospital. Naniniwala ako na ang nasabing nakadidismayang situwasyon ng ating mga pagamutan ay hindi dapat ipagwalang-bahala ng ating pamahalaan, lalo na ng Department of Health (DoH).
Ang nabanggit na WHO/UNICEF report ang mistulang bumuhay sa matagal na nating panawagan tungkol sa pagpapagawa ng mga palikuran at iba pang health facilities sa iba’t ibang bahagi ng ating pangunahing mga lansangan. Palibhasa’y madalas manubig, wika nga, at laging naghahanap ng palikuran lalo na kung nagbibiyahe, itinuturing kong isang medisina ang konstruksiyon ng nasabing mga pasilidad. Ang pigil na pag-ihi ay makasasama sa kalusugan, lalo na sa katulad naming mga nakatatandang mamamayan. Dahil dito, mahigpit ang tagubilin ng mga doktor sa mga senior citizen at sa mga may kidney problem: Magbaon ng diaper sa pagbibiyahe -- isang bagay na maiiwasan sa konstruksiyon ng mga palikuran.
Kung matatauhan ang gobyerno sa pagtugon sa nabanggit na panawagan, hindi marahil kalabisang imungkahi na ang nasabing mga pasilidad ay marapat itayo sa malapit sa kabayanan na may kumpletong water system. Kailangang tiyakin na sapat ang tubig upang mapanatili ang kalinisan ng mga kubeta.
Ang gayong mga pasilidad ay hindi dapat maitulad sa mga urinal na ipinatayo ng nakaraang pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA); matatagpuan ang mga ito sa mga estratehikong lugar sa Metro Manila para sa pangangailangan ng mga kalalakihan. Nakalulungkot na ang mga ito ay hindi gaanong napangalagaan; laging marumi at masigid sa pang-amoy dahil sa kakulangan ng running water. Kalaunan, binaklas na lamang ang mga urinal upang hindi na ito maging dahilan ng epidemya ng mga sakit.
Ang hinahangad nating mga palikuran na itatayo sa kahabaan ng pangunahing mga lansangan ay natitiyak kong makatutulong nang malaki para sa kaginhawahan ng mga biyahero -- isa itong proyekto na maituturing na medisina ng mga manlalakbay.
-Celo Lagmay