Iniutos ng International Boxing Federation kay IBF minimumweight champion Deejay Kriel ng South Africa na idepensa ang titulo nito kay mandatory at No. 1 challenger Samuel Salva ng Pilipinas bago sumapit ang Hunyo 1 sa United States.
Natamo ni Salva ang karapatang hamunin si Kriel nang talunin niya sa 12-round unanimous decision si Rene Mark Cuarto noong nakaraang Marso 29 sa Resorts World Hotel, Pasay City sa IBF eliminator bout.
Sa sulat na ipinadala ni IBF Championships Chairman Carlos Ortiz kay international matchmaker Sean Gibbons, isinaad nito na dapat maganap ang laban nina Kriel at Salva bago sumapit ang Hunyo 1.
Natamo ni Kriel ang IBF title nang ma-upset niya ang dating kampeong si Carlos Licona ng Mexico via 12-round knockout noong Pebrero 16 sa Los Angeles, California. Naisuot naman ni Licona ang IBF belt nang talunin sa kontrobersiyal na 12-round split decision si Filipino Olympian Marko Anthony Barriga noong nakaraang Disyembre 1.
Maganda ang rekord ni Salva na may perpektong 17 panalo na may 10 pagwawagi sa knockouts kumpara kay Kriel na may kartadang 15-1-1 na may 7 pagwawagi sa knockouts.
-Gilbert Espeña