NANINIWALA ako na ang matalim at nakakikilabot na mensahe kamakailan ni Pangulong Duterte ay nakatuon sa mga pasimuno sa pagsabotahe sa mga proyekto ng administrasyon. Ang naturang mensahe na may kaakibat na pagbabanta -- deklarasyon ng revolutionary war -- ay naglalayong lipulin ang mga hadlang sa pagpapatupad ng mga programa sa pagbabago; kabilang dito ang pagsugpo sa illegal drugs, katiwalian at kriminalidad.
Hindi naitago ang panggagalaiti ng Pangulo sa tinaguriang mga ninja cops -- ang mga pulis na nagbebenta ng shabu at iba pang bawal na droga na nakukumpiska nila sa mga users, pushers at drug lords. Ang nasabing mga alagad ng batas na dapat ay nangangalaga sa ating kaligtasan at katahimikan sy sinasabing pasimuno sa talamak na problema sa droga. Gusto kong maniwala na sila ay kasabwat ng mga sindikato sa illegal drugs na may kaugnayan sa Golden Drug syndicate na may kagagawan ng mistulang pagpapabaha ng shabu sa bansa sa pamamagitan ng talamak na drug smuggling sa Bureau of Customs (BoC) at sa pagpapalutang ng cocaine sa ating mga karagatan.
Wala akong makitang dahilan upang magpaumat-umat ang Pangulo sa pagtukoy ng pangalan ng naturang mga ninja cops na kinabibilangan ng mga AWOL (Absent Without Official Leave), suspendido at maging ng ilang nasa active duty; usigin, parusahan at itiwalag sa serbisyo upang hindi na mahawahan ang higit na nakararaming matitino at huwarang mga pulis na maipagmamalaki ng sambayanan.
Maituturing ding pasimuno sa pagsabotahe ng makabuluhang adhikain ng administrasyon ang mga narco-politicians na matindi rin ang pamamayagpag sa illegal drugs. Limpak-limpak na drug money ang sinasabing ginagamit nila upang wasakin ang mga programa ng gobyerno tungo sa implementasyon ng mga programang pangkabuhayan at panlipunan. Wala silang inaalagata kundi pag-ibayuhin ang pagsabotahe sa mga adhikaing magsusulong sa ekonomiya, magpapalawak sa literacy at educational program.
Gusto ko ring maniwala na pati ang mga kritiko ng administrasyon hinggil sa sinasabing kabi-kabilang trahedya na pinakakahulugan nilang extra-judicial killings (EJK) ay kabilang din sa mga pasimuno sa pagsabotahe sa programa ng gobyerno. Tutol sila sa kabi-kabilang paglipol ng mga lulong sa illegal drugs na mistulang nakikipagdigmaan sa mga alagad ng batas; na ang gayon ay tandisang paglabag sa karapatang pantao na walang puwang sa isang malayang komunidad.
At lalong gusto kong maniwala na ang naturang mga pasimuno sa pagsabotahe ay masusugpo lamang sa pamamagitan ng pagsusulong ng revolutionary war. Ganito rin ba ang paniniwala ng administrasyon?
-Celo Lagmay