WALA pa sa kalahati ang inaugural season, impresibo ang dating ng Community Basketball Association (CBA) at kahanga-hanga ang mga tunay na homegrown talent tulad ni Marlon Monte ng Bulacan Heroes.
Inaasahang napupukaw ni Monte ang pansin sa ‘bigtime’ league sa impresibong laro na nagbigay sa kanya ng tatlong ‘Player of the Game’ honor, sapat para tanghaling “Player of the Month” ng CBA para sa buwan ng Marso.
Ipinagkaloob ni CBA founder Carlo Maceda, sa tulong ni PBA legend Bong “Mr. Excitement” Alvarez, ang premyong P10,000 cash bilang pagkilala sa natatanging galing ni Monte sa ginanap na 17th TOPS “Usapang Sports” nitong Abril 4 sa National Press Club sa Intramuros, Manila
Tangan ng Bulacan ang 4-1 karta bunsod nang kahusayan ni Monte, ipinagmamalaking anak ng Guiguinto, Bulacan, sapat para patatagin ang kampanya ng Heroes sa North division ng two-group, 16-team community-based tournament.
Produkto ng Polytechnic University of the Philippines, naitala ni Monte ang averaged 20 puntos, pitong rebounds, apat na assists at dalawang steals sa limang laro ng Bulacan.
“Nagpapasalamat ako sa CBA sa pagbibigay sa amin ng ganitong oportunidad na makalaro ng basketball,” pahayag ni Monte, varsity ng PUP sa SCUAA, bago nakapaglaro sa Taguig Generals sa M-League at Pasig Pirates sa MPBL.
Bukod sa CBA, bahagi rin si Monte ng McDavid sa PBA D-League.