MAAARING nagkataon lamang, tulad ng laging idinadahilan ng mismong namamahala ng trapiko at ng ilang motorista, subalit hindi nagbabago ang aking obserbasyon: Kalbaryo at usad-pagong pa rin ang daloy ng mga sasakyan sa Metro Manila, lalo na sa EDSA. Maging sa tinaguriang Mabuhay Lanes, talamak pa rin ang illegal parking sa kabila ng walang puknat na paghatak ng mga sasakyang naghambalang sa mga kalye.
Halos lahat ng estratehiya sa paglutas ng nakapanggagalaiting problema sa trapiko ay naipatupad na; nakapanlulumong mabatid na hanggang ngayon ay hindi pa tayo nakadadama ng tunay na kaginhawahan at kaluwagan sa pagmamaneho sa pangunahing mga lansangan.
Natatandaan ko na mismong si Pangulong Duterte ay mistulang sumuko sa paglutas ng matinding trapiko sa Edsa; hindi naitago ang kanyang kabiguan sa paglutas ng naturang problema. Naniniwala ako na ito ang dahilan kung bakit nais niyang magkaroon ng emergency power para sa paglutas ng nasabing problema. Subalit ito ay mahigpit na tinutulan ng Kongreso. ‘Tila nagkaroon ng agam-agam ang mga mambabatas na ang gayong kapangyarihan ay isang hudyat sa deklarasyon ng martial law.
Ngayon, isa na namang maigting na plano ang binuo ng mga awtoridad para sa epektibong solusyon sa trapiko. Sa pahayag ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP), isang Memorandum of Agreement (MOA) ang nilagdaan ng anim na ahensiya hinggil sa paglikha ng Inter-Agency Counsel for Traffic o I - ACT. Binubuo ito ng PNP, Department of Transportation (DOTr), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Metro Manila Council, Land Transportaion Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Philippine Coast Guard (PCG). Sa implementasyon ng MOA, magiging katuwang ang Department of the Interior and Local Government (DILG).
Sana, magkaroon ng tunay at maigting na solusyon ang problema sa trapiko; na mapagsama-sama ang maayos na pamamahala sa daloy ng mga sasakyan. Kabilang na rito ang paglipol ng mga colorum transport, illegal parking at iba pa.
Sana, higpitan na rin ang pagbabawal sa mga car accessories na tulad ng sirena, pito at iba pang gadgets na lumilikha ng malakas na tunog. Mahalaga sa tagumpay ng naturang mga solusyon ang pakikiisa ng sambayanan at disiplina ng mga motorista. Kung hindi ito mangyayari, mananatili ang aking obserbasyon na ang problema sa trapiko ay tulad ng sugat na ayaw maghilom.
-Celo Lagmay