LUMILITAW na peke ang driver’s license at resibo na iprinisinta ni Migo Adecer sa mga pulis matapos siyang makaaksidente sa Makati City, kamakailan.
Si Migo Adecer, o Douglas Errol Dreyfus Adecer sa tunay na buhay, 19, at taga-Barangay Bel-Air, Makati, ay unang inaresto ng Makati City Police sa reckless imprudence resulting in physical injuries at resistance and disobedience to person in authority.
Dakong 10:00 ng gabi nitong Lunes nang atasan ni Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati Police, si Major Gideon Ines Jr. hepe ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS), na makipag-ugnayan sa Land Transportation Office-National Capital Region (LTO-NCR) para sa posibleng pagsasampa ng mga kasong kriminal at sibil laban kay Migo dahil sa pagpiprisinta nito ng pekeng lisensiya.Sa pulong ng mga imbestigador at kinatawan ng LTO-NCR na dinaluhan ni Maj. Ines nitong Lunes ng hapon, nagpasya ang LTO na mag-iisyu ng certification na magpapatunay na peke ang lisensiya ng aktor.
Magsasampa ang Makati City Police ng falsification of public documents laban kay Migo.
Magsasagawa rin ang LTO-NCR ng administrative aspect sa kaso ng dating StarStruck Ultimate Survivor para sa posibleng suspensiyon o permanent revocation ng kanyang driver’s license, makaraang matukoy sa records ng LTO na may apat pang reckless driving cases ang aktor.
Matatandaan na nabundol at nasugatan ni Migo ang dalawang empleyado ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), na tinangka pa umano niyang takasan, sa panulukan ng JP Rizal at Pertirra Streets sa Bgy. Poblacion, Makati City, bandang 6:00 ng gabi nitong Marso 26.
Una nang kinasuhan ng Makati Police ng resistance and disobedience to person in authority si Migo sa Makati City Prosecutors Office nitong Marso 27, at nagpiyansa ang aktor nitong Marso 28.
Hindi naman nagsampa pa ng kaso ang dalawang tauhan ng MMDA laban kay Migo sa bisa ng isang compromise agreement.
-BELLA GAMOTEA