IPINAGDIWANG ang World Water Day 2019 nitong Marso 22. Kakatwa naman na sa mismong araw na itinakda ng United Nations (UN) ang pagbibigay-diin sa pandaigdigang layunin na matiyak ang tuluy-tuloy at maayos na pangangasiwa sa tubig, maraming Pilipino sa Metro Manila at Rizal ang dalawang linggo nang problemado sa kawalan ng tubig, na labis na nakaperhuwisyo sa kanilang mga buhay. Sa katunayan, hanggang ngayon, may mga barangay pa rin sa Metro Manila ang hindi normal ang supply ng tubig.
Biglaan at talagang nakawiwindang ang water service interruption na nagsimula nitong Marso 6, kaya naman marami ang hindi nakapag-imbak ng tubig. Problema rin ang malinis na maiinom dahil maging ang mga water refilling stations ay hindi makapagserbisyo sa kanilang mga customer. Hindi rin makaligo ang mga tao para pumasok sa trabaho o eskuwela. At ang pinakamalala, naging malaking problema ang sanitasyon, partikular na sa maraming taga-Mandaluyong na pinakamatinding naapektuhan ng kawalan ng tubig.
Makadurog-puso naman ang eksena ng ilang oras na mahabang pagpila ng mga taong sasalok ng tubig mula sa swimming pool ng isang condominium tower. Napipilitan ding magpuyat ang mga tao, o kaya naman ay gumising nang napakaaga upang maihilera ang kanilang mga balde sa mga nirarasyunan ng tubig ng mga truck ng bombero. Saludo ako sa ating mga bombero na walang pagod na umaayuda sa mga residente, kahit pa sa mga oras na dapat ay natutulog sila.
Ano nga ba ang nangyari? Idinahilan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang kabiguang mapagana kaagad ang isang treatment facility, at nagdulot ng “domino effect” ang maling mga hakbangin sa pagresolba sa kakapusan sa tubig.
Humarap ang presidente ng Manila Water sa imbestigasyon ng Kongreso at ipinaliwanag na noong Marso 6, naabot na ng La Mesa Dam ang critical level nitong 69 na metro, kaya hindi na sila uubrang makapagpalabas ng 150 milyong litro kada araw mula sa nasabing reservoir.
Idineklara na ng UN bilang pangunahing karapatang pantao ang “right to safe and clean drinking water and sanitation”. Ang karapatan ng sangkatauhan sa tubig “entitles everyone, without discrimination, to sufficient, safe, acceptable, physically accessible and affordable water for personal and domestic use; which includes water for drinking, personal sanitation, washing of clothes, food preparation, and personal and household hygiene.”
Para mas malinaw, kumpara sa naranasan natin sa Metro Manila, bilyun-bilyong tao ang mas matindi pa ang sinasabaka sa kawalan ng tubig. Hanggang ngayon, marami pa ring tao ang walang “safe water – their households, schools, workplaces, farms and factories struggling to survive and thrive”. Ayon sa water.org, siyam na milyong Pilipino ang umaasa pa rin sa tradisyunal, hindi ligtas, at hindi nasu-sustain na pinagkukunan ng tubig, at 19 na milyon ang walang access sa pinabuting sanitasyon.
Pero hindi katanggap-tanggap ang nangyaring krisis sa tubig. Nailantad nito ang kabiguan sa pagpaplano at ang kawalang kakayahan na resolbahin ang mga problemang gaya ng nangyari. Nauunawaan ko ang galit ni Pangulong Rodrigo Duterte. Lagi niyang pinoproteksiyunan ang publiko. Naaalala ko nang utusan niya ang mga ahensiya ng pamahalaan na pagbutihin ang kanilang serbisyo dahil ayaw niyang ilang oras na pumipili ang mga tao para makamtan ang serbisyong karapat-dapat sa kanila. Sang-ayon ako sa kanya.
Kailangan nating bilisan ang pagtatayo ng mga imprastrukturang kinakailangan upang makaagapay sa lumalaking pangangailangan. Ang lumalagong ekonomiyang tulad ng sa Pilipinas ay inaasahan nang mangangailangan ng mas maraming mapagkukunan (tubig, kuryente). Ang ilan sa mga plano sa pagpapalawak ng ating water sources ay nailatag ilang dekada na ang nakalipas. Kaya naman nakapagtatakang hindi pa naipatutupad ang mga ito hanggang ngayon.
Pero mahalagang makipagtulungan ang publiko sa pagtitipid ng tubig. Kailangan nating maintindihan na ang pagkakaroon ng tiyak at tuluy-tuloy na supply ng tubig ay responsibilidad ng lahat sa atin—ng gobyerno, ng mga negosyante, at ng publiko. Sa katunayan, hindi lang kalikasan ang nakikinabang sa matipid na paggamit natin ng tubig, dahil nababawasan din ang binabayaran natin sa nakokonsumo nating tubig buwan-buwan.
Dapat din nating pag-isipang mabuti ang ating pagtugon sa mga parehong suliranin sa hinaharap. Ang kawalan natin ng paghahanda ay nagdulot ng hindi birong perhuwisyo sa mamamayan. Hindi natin dapat payagang maulit ito. Ang pagkakait sa mamamayan ng malinis na tubig ay pagkakait din sa kanila ng kabuhayan, ng disenteng uri ng pamumuhay, at katumbas ng pagkakait sa kanila ng kanilang pangunahing karapatan bilang tao.
-Manny Villar