BINARIL at napatay ang Grammy-nominated rapper na si Nipsey Hussle sa labas ng kanyang clothing store sa katimugang Los Angeles nitong Linggo, ayon sa media reports.
Dalawang katao ang nasugatan sa pamamaril sa labas ng Marathon Clothing, iniulat ng Los Angeles Times.
Ayon sa pahayagan, ilang beses na pinagbabaril si Nipsey, 33, at isinugod sa ospital, kung saan siya idineklarang binawian na ng buhay.
Inihayag ng Los Angeles Police Department na ini-report ang shooting incident bandang 3:20 p.m. PDT sa Slauson Avenue at Crenshaw Boulevard, at kaagad na isinugod sa ospital ang tatlong biktima.
“We have no suspect info at this time and will provide more details as they become available,” tweet ng pulisya.
Lumaki si Nipsey, tunay na pangalan ay Ermias Asghedom, sa south Los Angeles at nasabi niya noon sa publiko na naging miyembro siya ng street gang noong kabataan niya. Mula rin noon ay naging community organizer siya, ayon sa media reports.
Ang kanyang debut studio album, ang Victory Lap, ay naging nominado para sa Best Rap Album sa Grammy Awards ngayong taon.
-Reuters