HINDI ko maaaring palampasin ang pagkakataong ito nang hindi nagpapasalamat sa pamunuan ng Philippine Agricultural Journalist, Inc. (PAJ) kaugnay ng iginawad nilang Lifetime Achievement Awards (LAA); bilang pagkilala ito sa pagsusulat natin ng mga artikulo na nagpapahalaga sa makabuluhang misyon ng mga magbubukid sa pagpapaunlad ng pagsasaka.
Kabilang na rito ang mga obra maestra na nagtamo ng top awards sa writing competition na itinaguyod ng naturang organisasyon ng mga mamamahayag sa agrikultura.
Naging bahagi ng aking mensahe sa naturang awards night ang pagkilala sa pagsisikap ng mga magbubukid tungo sa pagkakaroon ng sapat na pagkain. Dahil dito, ikinagagalak ko na sila – ang mga magsasaka – ay maging kasalo sa nabanggit na LAA.
Ang nasabing parangal ay sumasagisag sa pangarap ng sambayanang Pilipino – lalo na ng mga magbubukid; pangarap na ang Pilipinas, mula sa pagiging isang bansang umaangkat ng bigas o rice importing country, ay maging isang bansang nagluluwas ng bigas o rice exporting country. Naniniwala ako na sa pamamagitan ng magkatuwang na pagsisikap ng mga haligi ng agrikultura mula sa gobyerno at sa pribadong sektor, magkakaroon ng katuparan ang ating mga pangarap. Sana nga.
Sa maikling panayam pagkatapos ng aking mensahe, biglang naitanong ng isang kapuwa mamamahayag: Sino po si Mang Juan? Maliwanag na nabasa niya ang isang artikulo na pinamagatan kong Si Mang Juan – isang karakter na sumisimbolo sa mga magbubukid na tinaguriang Gulugod ng bansa o Backbone of the Nation. Nagkataon na ang naturang sulatin ang nagtamo ng unang gantimpala sa Binhi Awards, may ilang dekada na rin ang nakalilipas.
Si Mang Juan ang kumakatawan sa mga magbubukid na nanguna sa pagsusulong ng iba’t ibang paraan ng pagsasaka upang magkaroon ng sapat na ani. Kabilang dito ang Masagana 99 at Margate system na sinasabing naging instrumento, kahit paano, sa pagiging rice exporting country ng Pilipinas. Dangan nga lamang at ang naturang sistema ng pagsasaka ay tila ipinagwalang-bahala ng sumunod na mga pamunuan.
Sa kabila ng lahat ng ito, hindi natin dapat panghinayangan ang pagbuhos ng sapat na suporta sa ating mga magbubukid na walang pakay kundi magkaroon ng sapat na produksiyon. Isang malaking kabalintunaan na tayo ay mistulang alipin ng mga bansang ang mga agrikultor ay natuto lamang ng farm technology sa ating mga unibersidad.
-Celo Lagmay