HALOS kasabay ng hindi pa natatagalang paglutang ng magkakasalungat na pananaw hinggil sa wastong pag-awit ng ating National Anthem, umusad naman ang balak tungkol sa pagbabago ng lyric o liriko ng naturang Pambansang Awit. Lumikha ito ng kalituhan sa ating mga kababayan, lalo na sa mga may matayog na pagpapahalaga sa naturang awit na sumasagisag sa katapangan at kadakilaan ng ating mga bayani.
Kaugnay nito, isang liham ang aking tinanggap mula kay Atty. Martin B. Isidro ng Tondo, Maynila. Sa tema ng kanyang sulat, natitiyak ko na siya ay mapagmahal hindi lamang sa ating Wikang Pambansa kundi lalo na sa kulturang Pilipino.
Ito ang kanyang buong liham:
“Idinudulog ko po sa tulong ninyo at ng maka-Pilipinong pahayagang Balita ang sa tingin ko’y kailangang pagtatama sa ating Pambansang Awit. Inuulit ko po: Pagtatama at hindi pagbabago. Bakit po?
“Ang ating Pambansang Awit ay maliwanag na ibinatay sa ‘Mi Ultimo Adios’ ni Dr. jose Rizal. Ang bahagi ng Ultimo Adios na isinalin ay: ‘Es una gloria para tus hijos/ cuando te ofender, por ti morir.
“Ito’y isinalin natin sa ‘Aming ligaya na ‘pag may mang-aapi/ Ang mamatay nang dahil sa iyo.’
“Tama po ba ito? Sa tingin ko ay hindi. Ano po ang mali sa salin? Sa ‘Ultimo Adios’, ang bayang Pilipinas ang maliwanag na tinutukoy na baka apihin sa ‘cuando te ofender.’ Sa ating salin, ay walang bayang sinasabing aapihin. Kundi mayroon lamang na maaring mang-api. Sino ang aapihin? Hindi tinukoy ang ating bayan na baka apihin. Kung gayon ay bakit kailangang mamatay ang sinuman? Kung ang ating Inang Bayan ay hindi aapihin, kailangan bang mamatay tayong mga anak?
“Simple lamang ang lunas dito. Itama natin ang salin humigit-kumulang nang ganito: ‘Aming ligaya na ‘pag sa ‘yo’y mang-aapi/ Ang mamatay para sa iyo.’
“Ano sa palagay ninyo? Kung tama ang sinabi ko, maaari bang pangunahan natin ang pagtatama sa mali ng kasaysayan ng ating Pambansang Awit.”
Ipauubaya ko na lamang sa mga makababasa ng kolumn na ito ang pagtatama -- hindi pagbabago -- sa sinasabing mga kamalian sa ating National Anthem. Samantala, nais ko na lamang bigyang-diin na kailangang igalang natin ang ating Pambansang Awit sa lahat ng pagkakataon -- sa pamamagitan ng wastong pag-awit at paglalagay ng kanang kamay sa tapat ng ating puso habang tayo ay umaawit.
-Celo Lagmay