Mahigit 50 public utility vehicles (PUVs) drivers ang isinailalim sa sorpresang drug test na isinagawa ng iba’t ibang ahensiya sa Pasay City, ngayong Biyernes.
Nagsagawa ng magkakasunod na mandatory drug tests ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa iba’t ibang terminal sa lungsod, sa ilalim ng anti-narcotive drive ng PDEA na "Oplan: Harabas - Drug Test Muna Bago Pasada".
Sinimulan ni PDEA chief Aaron Aquino at ng mga agents ang drug testing sa mga tricycle, jeep, taxi at UV Express vehicle drivers sa Pasay-Rotonda, at sinunod ang mga tsuper sa terminal ng Mall of Asia.
Sa ulat, negatibo ang unang 30 driver na isinailalim sa drug test.
Samantala, ang mga drivers na magpopositibo ay isasailalim sa 'confirmatory testing' o ikalawang test upang beripikahin kung gumagamit nga ang mga ito ng droga.
Inaprubahan ito ng mga drivers sa pagnanais na makatanggap ng sertipiko mula sa PDEA, na magpapatunay na malinis sila sa ilegal na droga, base sa report.
-Michelle Guillang