ANG pagkakadakip kamakalawa sa Cavite City sa isang 13-anyos na batang lalaki dahil sa pagbebenta ng shabu ay isa na namang nagdudumilat na hudyat na masyadong talamak ang illegal drugs sa ating pamayanan; na talagang mailap ang solusyon sa pagpuksa ng naturang kasumpa-sumpang bisyo sa kabila ng nakakikilabot na banta ni Pangulong Duterte na lalo niyang paiigtingin ang kampanya laban sa bawal na gamot hanggang hindi nalilipol ang pinakahuling user, pusher at drug lord sa panahon ng kanyang panunungkulan.
Gusto kong maniwala na kahit na gaano katindi ang pagsisikap ng Pangulo na mapuksa ang bawal na gamot, may mga balakid na maituturing na mistulang pagsabotahe sa kanyang anti-drug campaign. Ang pagpapabaya at sinasabing pagpapalusot ng bilyun-bilyong pisong droga sa Bureau of Customs (BoC) halimbawa, ang nagiging dahilan ng pagdagsa ng illegal drugs sa lahat halos ng sulok ng kapuluan.
Bukod pa rito ang sunud-sunod at bultu-bultong cocaine na nadiskubreng naglutang sa ilang panig ng ating karagatan. Kapani-paniwala na ang gayong ‘tila sinasadyang drug operation ay kagagawan ng mga sindikato ng droga. Naniniwala ako na ang naturan ding mga sindikato ang utak ng operasyon ng mga laboratoryo ng droga, tulad ng natagpuan noon sa Arayat, Pampanga at nitong nakaraang ilang araw ay sa isang subdibisyon sa Alabang, Metro Manila.
Nakasisindak ang pahayag kamakailan ng pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) hinggil sa umano’y pagpasok ng mga drug syndicate sa bansa, kabilang na ang nakakikilabot na tinguriang Golden Triangle; ang naturang mga sindikato ang malaon nang naghahasik ng lagim sa mga bansang tulad ng Mexico, Brazil at iba pa. Kapani-paniwala na ang mga ito ang matinding balakid sa kampanya laban sa droga.
Sagabal din sa paglipol ng illegal drugs ang narco-politicians na masaring kasabuwat ng mga drug syndicate. Kabilang na rito ang mga pulitiko na kamakailan lamang ay pinangalanan ng mga awtoridad. Sa kabila ng kanilang pagtanggi sa kanilang pagkakadawit sa illegal drugs, marapat na sila ay ihabla kaagad, litisin at hatulan.
Sa bahaging ito lumutang ang isa pang balakid sa illegal drugs campaign; ang sinasabing pagkakasangkot ng ilang huwes at prosecutor sa naturang bisyo. Matindi ang mga sapantaha na sila ang dahilan ng pagkakabalewala ng mga asunto na isinasampa laban sa drug personalities; mga kaso na kaagad nadi-dismiss dahil sa nakagawiang technicality.
Dahil sa naturang mga balakid, naniniwala ako na walang mararating ang mga pagsisikap tungo sa pagiging drug-free ng ating bansa -- isang adhikain na mananatiling bangungot.
-Celo Lagmay