PALIBHASA’Y naging biktima ng karumal-dumal na pagpaslang, hindi kumukupas ang aking pakikiisa sa mga panawagan hinggil sa muling pagpapatupad ng parusang kamatayan. Nakatimo pa sa aking utak ang hapdi ng pagpatay sa aming bunsong kapatid, kasama ang tatlong iba pa; sabay-sabay silang inutas sa isang eksena na tinaguriang ‘noon-time massacre’, halos tatlong dekada na ang nakalilipas.
Sa kabila ng pagtutol ng iba’t ibang sektor ng sambayanan, lalong umiigting ang aking paninindigan na ibalik ang death penalty sa kahindik-hindik na mga krimen. Ang naturang capital punishment ang natitiyak kong mabisang hadlang sa pamamayagpag ng mga kampon ng demonyo na naglipana sa mga komunidad.
Mayroon pa bang angkop na parusa maliban sa death penalty ang dapat igawad sa walang pakundangang pagpatay ng kapuwa, sa paggahasa ng ilang magulang sa kanilang sariling laman, sa walang tigil na pagbebenta ng drug lords ng mga bawal na gamot na pumipinsala sa kinabukusan ng mga kabataan, sa pagpatay ng mga abogado, kongresista, miyembro ng media, mangilan-ngilang pari at iba pa? Hindi ba buhay lang ang dapat maging kapalit sa buhay na inutang?
Dapat lamang asahan ang matinding pagtutol sa muling pagpapatupad ng parusang bitay sa pamamagitan ng lethal injection. Sa kabila ng pagpaslang sa ilang alagad ng simbahan, halimbawa, laging binibigyang-diin ng Simbahang Katolika na ang death penalty ay maliwanag na legalized killing. Ibig sabihin, makabubuting paigtingin na lamang ang pagdakip, paglilitis at paghatol sa mga salarin.
Bukod dito, naging bahagi na ng pananaw ng naturang grupo na tanging Panginoon lamang natin ang maaaring bumawi sa buhay ng Kanyang mga nilikha; nasa Kanyang kamay ang paghihiganti sa kaapihan ng ating mga kapatid na naging biktima ng karumal-dumal na krimen.
Gayunman, maraming pagkakataon na napatunayan ang pagiging epektibo ng death penalthy sa pagpuksa ng mga salarin. Lagi nating ginagawang halimbawa ang pagpatay sa pamamagitan ng firing squad sa isang druglord, maraming taon na ang nakalilipas. Mula noon, walang user at pusher ang nangahas na maging sugapa sa illegal drugs.
Ganito rin ang nangyari nang bitayin sa pamamagitan naman ng silya elektrika sa mga gumahasa sa isang sikat na aktres. Mistula ring nalipol ang mga tampalasang nagsasamantala sa kahinaan ng mga kababaihan.
Naniniwala ako na ang ganitong mga krimen na kagagawan ng kampon ng mga demonyo ay malilipol sa muling implementasyon ng parusang kamatayan.
-Celo Lagmay