ANG mistulang bangayan ng Senado at Kamara hinggil sa masasalimuot na probisyon ng General Appropriations Act (GAA) ay natitiyak kong magiging balakid sa implementasyon ng makabuluhang programa ng Duterte administration, tulad ng ‘Build, Build, Build projects’. Ang patuloy na pagmamatigasan ng dalawang kapulungan sa paglutas ng naturang budget impasse ay naging dahilan ng hindi kanais-nais na paratangan.
Mula sa Senado, halimbawa, gumuhit sa Kamara ang matalim na patutsada: Ang ilang Kongresista, kundi man lahat, ay ganid sa salapi ng bayan. Kung hindi ako nagkakamali, ang naturang parunggit ay may kinalaman sa pagsisingit sa GAA ng lump sum at itemized appropriations; mga probisyon na pinaglaanan ng bilyun-bilyong piso para sa iba’t ibang proyekto ng mga kongresista.
Magugunita na matagal nang tinututulan ni Senador Ping Lacson ang nasabing kontrobersyal na mga probisyon na isinulong ng umano’y ilang mapangahas na mambabatas. Sinasabi na ang lump sum at itemized items ay maituturing na pork barrel na matagal nang pinawalang-bisa ng Korte Suprema. Dati, ang naturang pondo ay laging pinagpipistahan ng mga mambabatas, maliban lamang marahil kina Senador Lacson at noon ay Senador Alfredo Lim.
Maliwanag na ang nabanggit na pag-iiringan ng Senado at Kamara na pinamumunuan ni Speaker Gloria Macapagal Arroyo ang dahilan ng pagkabalam ng GAA; na hindi malayong maging dahilan din ng napipintong pagpapairal ng re-enacted budget. Ang gayong bangayan ay kinailangan pang paratingin kay Pangulong Duterte. Baka sakaling matauhan na ang mga mambabatas at pagtibayin ang nasabing pambansang gugulin. Matindi ang babala ng Pangulo: Hindi niya lalagdaan ang isang ilegal na budget.
Gusto kong maniwala na ang urong-sulong na paninindigan ng mga mambabatas ay isang anyo ng pagsabotahe sa mga pagawaing-bayan ng gobyerno. Masyadong nakapanghihinayang kung madidiskaril ang nasabing mga proyekto na matagal nang nakalatag at pinaglaanan ng limpak-limpak na pondo ng local at foreign contractors. Natitiyak ko na ang lahat ng ito ay makapagpapaangat sa kabuhayan ng bansa at ng mismong mga mamamayan.
Pati ang dagdag na sahod ng mga kawani ng gobyerno ay kamuntik nang manganib dahil sa nasabing budget impasse. Mabuti na lamang at nilagdaan ng Pangulo ang isang Executive Order para sa salary hike.
Sa kabila ng lahat ng ito, kapani-paniwala kaya na ang gusot sa GAA ay bunsod ng personal na hidwaan, kung mayroon man, nina Speaker Arroyo at Senador Lacson? Makatuwiran bang isakripisyo ang kapakanan ng bansa at ng sambayanang Pilipino?
-Celo Lagmay