NANG pulungin ni Pangulong Duterte ang mga tagapangasiwa ng tubig sa Maynila, hindi niya naitago ang kanyang inis sa mga kapalpakan nila sa pamamahala sa tubig.
Ang suliranin sa tubig sa Maynila ay hindi lamang tungkol sa kasapatan nito, kundi pati rin sa wasto at mabisang pangangasiwa nito, lalo na at walang-tigil itong sinisipsip mula sa ilalim ng lupa.
Dahil sa patuloy na pagsulong ng Maynila, sadyang natutuon ang usapin sa kasapatan ng suplay ng tubig nito upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga Metro Manilenyo. Patuloy na tumataas ang pangangailangan sa tubig ng naglalakihang mga ‘condominium’ at bahay sa mga ‘subdivision’ bukod sa higanteng mga industriya at pagawaan.
Alam ng karamihan na ang kakulangan sa tubig sa Maynila ay dulot ng samut-saring mga kadahilanan na lalong pinalalala ng maraming kapalpakan at maling mga desisyon ng mga tagapangasiwa nito. Sa totoo lang, ‘tila masiglang umaakyat sa mataas na gulod ang mga naatasang mangasiwa sa tubig upang pagmasdan ang kagandahan ng buong kabayanan at kapaligiran, ngunit parang hindi talaga nila alam at nauunawaan ang mga usapin kaugnay sa tubig. Hindi rin maitatatwang ipinagwawalang-bahala lamang nila ang problemang nakakanlong sa ilalim ng kanilang kinatatayuan.
Ang mga suliranin sa tubig ay hindi lamang tungkol sa gagawing mga inumin, panligo, panghugas at panlinis. Lalo pang lumalala ang mga kasangkot nitong problema dahil ang mga naatasang magbantay sa mga kagubatan ay sadyang tumitingin lamang sa ibang direksiyon kung may namumutol ng mga kahoy. Ang iba namang mga itinalaga upang pangalagaan ang binabalanseng ‘ecology’ natin ay ‘tila walang pakialam sa mga basurang ikinakalat ng mga mamamayan at sumasakal sa mga daanan ng tubig gaya ng mga kanal, sapa at ilog, bukod pa sa ating mga katubigan, kasama ang mga lawa at dagat.
Sa pamahalaan, marami sa mga itinalaga para mamahala sa tubig ang sinasabing walang malinaw na pananaw at ‘tila may katotohan ito. Ang problema sa Kamaynilaan ay sadyang bunga ng kapabayaan. Para bang masasaya sila sa magagarbo nilang mga opisina kaysa madumihan ang mga kamay nila sa mga imbakang ‘dam’ ng tubig.
Habang sumusulong ang Pilipinas at napapabilang sa hanay ng mga bansang mabibilis na umuunlad, ‘tila hindi pansin ang napakalaking implikasyon ng kakulangan sa tubig sa makabuluhang pag-unlad ng ating pambansang ekonomiya.
Sa nakaraang mga panahon, naging dahilan ang tubig ng mga awayan at giyera ng mga bansa. Ayon sa mga eksperto sa tubig, maaaring maulit ito sa hindi malayong hinaharap.
-Johnny Dayang