TALIWAS sa ipinangangalandakan ng ilang sektor na kapani-paniwala ang survey results, hindi nagbabago ang aking paninindigan na ang barometro ng tunay na survey ay dapat ibatay sa pananaw ng higit na nakararaming mamamayan. Ibig sabihin, ang partisipasyon sa mga survey ng iilang libong mga kababayan natin ay hindi sapat na batayan sa pagkilatis sa saloobin ng sambayanan, lalo na kung isasaalang-alang ang mahigit na 100 milyong populasyon ng bansa.
Sa survey results na isinagawa ng ilang survey firms, halimbawa, namamayagpag o nangununa ang mga kandidato sa pagka-Senador ng Administrasyon. Hindi man lamang yata nababanggit ang mga pambato ng Oposisyon na hirap na hirap pang mahagip ng Magic 12, sa kabila ng katotohanan na ang ilan sa kanila ay sinasabing dangal ng Senado.
Nakalilito ang gayong sitwasyon, lalo na kung iisipin na ang ilang kandidato ng administrasyon ay ‘tila hindi nakatutugon sa pamantayan ng katanggap-tanggap at huwarang paglilingkod sa bayan; lalo na kung iisipin na ang isang senatorial bet ay dapat mag-angkin ng angkop na kakayahan sa pagbalangkas ng mga batas tungo sa kaunlarang pangkabuhayan at panlipunan.
Hindi ko matiyak kung naitatanong sa mga survey ang mga kakayahan at tunay na pagkatao ng mga senatorial bets; kung sila ay nasangkot sa mga katiwalian at iba pang alingasngas; kung sila ay may kakayahang makipagbalitaktakan sa Senado sa pamamagitan ng pagbigkas ng mga argumentong may lohika; kung sila ay hindi lamang magiging dekorasyon sa bulwagan. Sa kabuuan, sila ba ay magiging pabigat at kalabisan lamang sa Lehislatura? Ang mga ito ay dapat na maging bahagi ng mga survey hindi lamang sa mga senatorial bets kundi maging sa iba pang mga kandidato sa iba’t ibang puwesto.
Biglang sumagi sa aking utak ang nakalipas na mga survey sa presidential elections. Hindi ba isang kandidato ang sa simula lamang nanguna subalit bumulusok sa kalaunan? Naungusan siya ng isang kandidato na nagtamo ng pinakamalaking boto sa kasaysayan ng halalan sa bansa.
Ganito rin ang nangyari noong nakaraang senatorial polls; isang kandidato ang nangunguna ngunit biglang naungusan sa kahina-hinalang mga kadahilanan.
Patunay lamang ito na ang mga survey ay maituturing lamang na pagkondisyon sa ating isipan. Tulad nga ng malimit bigkasin ng isang debater, ang gayong sistema ay isa lamang balighong o katawa-tawang pag-akay sa saloobin o kaisipan ng taumbayan.
-Celo Lagmay