Mga Laro Ngayon

(Araneta Coliseum)

4:30 n.h. -- Alaska vs Meralco

7:00 n.g. -- Magnolia vs Northport

Putol na ang sumpa! UST tinapos na ang 9 taon losing streak sa Ateneo

UMAATIKABONG salpukan ang inaasahang matutunghayan ngayon sa pagtutuos ng mga koponang naghahabol na makapasok ng quarterfinal round sa pagpapatuloy ng 2019 PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum.

Pawang mga nasa lower half ng team standings, unang magtutuos ganap na 4:30 ng hapon ang Alaska (3-5) at Meralco (3-6) na susundan ng tapatan ng Magnolia (3-5) at Northport(2-5) ganap na 7:00 ng gabi.

Lahat ay nasa “must-win-situation” kung kaya’t krusyal ang bawat sandali sa nalalabi nilang laro para mapataas ang tsansa na makausad sa susunod na round.

Kapwa may barahang 3-5, kinakailangan ng Aces at Hotshots na ipanalo ang natitirang tatlong laro sa eliminations upang tiyak na makapasok sa playoff.

Naiiwan naman ng isang laro ng Alaska at Magnolia, kailangan ding maipanalo ng Batang Pier ang huli nilang apat na laban upang makasiguro ng slot sa top 8.

Taglay ang barahang 3-6, kung mabibigo pa ang Bolts ay mangangahulugan ng maaga nilang pagbabakasyon sa Philippine Cup.

Sisikapin ng Bolts at Hotshots na makabalik ng winning track kasunod ng kabiguan sa nakaraan nilang laro, ang una sa kamay ng Rain or Shine, 85-88 noong Miyerkules at abg huli sa kamay ng Ginebra noong Linggo, 93-97.

Magkukumahog namang makaahon sa kinasadlakan nilang losing skid ang Aces na bigo sa ikatlong sunod na pagkakataon noong Miyerkules sa kamay ng TNT Katropa, 78-92 sa Cuneta Astrodome sa Pasay City at ang Batang Pier na may pinakamahaba ng losing dip sa natamong ikalimang dikit na pagkabigo noong Marso 10 sa kamay ng San Miguel Beer, 107-113.

Sa kasalukuyan, apat na koponan pa lamang na kinabibilangan ng Phoenix( 9-2) , Rain or Shine (8-3), TNT (6-3) at San Miguel (6-4)

ang nakakasiguro ng pasok sa playoff round habang ang Blackwater (2-8) pa lamang ang koponang maagang na-eliminate.

-Marivic Awitan