ISANG malaking kabalintunaan na kasabay ng Fire Prevention Month, kabi-kabila naman ang sunog sa iba’t ibang panig ng kapuluan, kahapon lamang, isang sunog ang sumiklab sa aming barangay; nagiging dahilan ito ng malaking pinsala sa buhay at ari-arian.
Kasabay rin ito ng nakababahalang ulat: Daan-daang fire trucks o pamatay-sunog ang kailangan sa mga komunidad na ang mga mamamayan ay laging nahihintakutan sa maaaring maganap na sunog. Totoo na ang ganitong nakapanlulumong problema ay hindi ipinagwawalang-bahala ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagbili ng mga fire trucks. Subalit nakapanlulumo ring masaksihan na ang ilang pamatay-sunog ay sinasabing hindi na pinakikinabangan ngayon dahil sa inferior quality ng naturang mga sasakyan. Ang transaksiyon kaya hinggil dito ay nabahiran ng alingasngas at pagsasabuwatan? Dahil dito, laging nalalagay sa panganib ang buhay ng ating mga kababayan, lalo na ang mga naninirahan sa mga lugar na hindi napapasok ng mga government fire fighters.
Mabuti na lamang at mabilis sa pagsaklolo ang mga pribadong bumbero na moderno at mahuhusay ang mga pamatay-sunog. May pagkakataon na ang naturang pribadong sektor ay nauuna pang tumutugon sa mga biktima ng sunog.
Dito lumulutang ang mahigpit na pangangailangan upang tayo ay mag-ingat sa gayong kalamidad na totoo namang hindi maiiwasan: mababawasan lamang. Bigla na lamang itong nangyayari, tulad ng pagsalakay ng magnanakaw sa kalaliman ng gabi, wika nga.
Ang ganitong nakakikilabot na pangitain ay bumulaga sa akin, halos anim na dekada na ang nakalilipas. Bigla na lamang kaming ginulantang ng nagliliyab na mga pawid, kawayan at iba pang bahagi ng aming nasusunog na bahay -- bahay na sinilangan ko at ng aming mga kapatid, bahay na nagsilbing paaralan sa aming nayon.
Maliban sa mga ararong bakal at suyod at tangkeng yari sa yero at pundidong bakal, nalanos ang aming bahay. Sabi nga ng aming mga ninuno: Nakawan ka na ng maraming beses, huwag ka lamang masunugan. Ito ang kailangang pagtuunan ng pansin ng sambayanan at ng mismong administrasyon, lalo na ngayong patuloy nating pinahahalagahan ang Fire Prevention Month. Marapat ang palagiang inspeksiyon ng electrical wiring sa ating mga tahanan.
Hindi dapat panghinayangan ng gobyerno ang puspusang paglalaan ng mga pamatay-sunog sa mga komunidad upang maiwasan ang pinsala sa buhay at ari-arian.
-Celo Lagmay