Itinanggi ni Jonas Martel Bueno na siya ang pumatay sa 16-anyos na si Christine Lee Silawan sa Cebu.
Naaresto nitong Biyernes sa Davao City si Bueno kaugnay ng pagpatay sa isang 62-anyos na magsasaka sa Danao City, Cebu, noong Enero 13, 2019.
Ayon kay Police Regional Office (PRO)-11 director Chief Supt. Marcelo C. Morales, inamin umano ni Bueno, na taga-Barangay Santikan, Danao City, Cebu, na sangkot ito sa pagpatay kay Trinidad “Trening” Batucan, kasama ang dalawa nitong kapatid, subalit itinangging kinalaman siya sa pamamaslang kay Silawan nitong Marso 10.
Si Batucan ay binalatan sa mukha at tinanggalan pa ng puso, ayon sa Lapu-Lapu City Police sa Cebu.
Ayon kay Morales, nagbiyahe si Bueno patungong Davao mula sa Cebu kasama ang kanyang misis, dalawang anak, at tiyuhin at nanirahan sa mga kaanak ng kanyang asawa sa Matina sa nakalipas na dalawang linggo.
Bineberipika pa ng mga imbestigador kung si Bueno at ang mga kapatid niyang sina Junry at Jovy—na kapwa napatay sa follow-up police operation nitong Enero 18, 2019—ay mga miyembro ng kulto.
Kasalukuyang nakapiit si Bueno sa National Bureau of Investigation (NBI)-Davao.
“We are still digging deeper with our investigation on Jonas Bueno’s alleged involvement of this killing in Cebu. Deep investigation and validation from Cebu authorities will be conducted,” sabi ni Crime Investigation and Detection Group (CIDG)-Davao City head Chief Insp. Milgrace Driz.
May teorya naman ang pulisya sa Cebu sa posibilidad na pareho ang suspek sa pagpatay kina Batucan at Silawan dahil sa pagkakapareho ng paraan ng pamamaslang sa kanila.
Matatandaang binalatan din ang mukha ni Silawan, Grade 9 student, at walang dila, trachea at esophagus, ayon sa autopsy report.
“The suspect was arrested by virtue of a warrant of arrest for a case which happened in Danao where the style of her death was similar to Silawan’s case, which happened recently,” sabi ni Driz. “We have reason to believe that it’s just one and the same person.”
Antonio L. Colina IV