Mahaharap ngayon sa kaso si incumbent Bacarra, Ilocos Norte Mayor Nicodemes Dela Cruz matapos umano nitong sapakin ang isang dating pari na kakandidatong konsehal sa nasabing lugar, kamakailan.

Ayon sa media reports, nakilala ang biktima na si Antonio Molina na nagkaroon ng sugat sa pagitan ng ilong at mata nito na resulta ng insidente.
Paliwanag ni Molina, kasama siya sa grupo ng isang religious group na nagsasagawa ng medical mission sa Barangay Buyon nang dumating si Dela Cruz.
Kinukunan aniya nito ng footage ang alkalde nang tabigin siya nito at sinuntok.
Paliwanag ng alkalde, hindi umano ito nasabihan kaugnay ng naturang aktibidad.
Nilinaw ng alkalde na hindi nito sinuntok si Molina dahil tinabig lamang nito ang cellular phone ng dating pari.
Hindi rin aniya sumunod sa protocol ang grupo ni Molina nang isagawa nila ang naturang proyekto sa kanyang nasasakupan.
Dahil dito, nagdesisyon sina Molina at Dela Cruz na magsampa ng kaso laban sa isa’t-isa.