Ilang linggo pa lamang ang nakararaan ng kaharapin ng bansa ang problema sa mga pagbaha at landslides dulot ng serye ng mga bagyo at low-pressure area na dumating sa bansa mula sa Pasipiko, na nagbuhos ng malalakas na pag-ulan habang patungo sa bahagi ng Asya.
Regular na dumarating sa ating bansa ang mga ulan, na nakaayon sa taunang iskedyul na nakabatay sa panahon ng mundo. Buwan ng Mayo dumarating sa atin ang hanging habagat, na nagdadala ng mga tubig na naiiga mula sa mainit na equatorial seas sa timogkanluran ng bansa. Ito ang nagiging hudyat ng pagsisimula ng tag-ulan, kung kailan nagsisimula ring magtanim ang ating mga magsasaka.
Ang Hulyo at Agosto ay mainit na mga buwan. At pagsapit ng Oktubre, nagsisimula nang umihip ang amihan na nagdadala ng malamig na panahon mula sa hilaga, panahong ikinakabit sa Pasko sa Disyembre at Enero. Marso at Abril naman ang nagmamarka ng simula ng tag-init, na tumatagal hanggang Mayo sa pagsisimula ng tag-ulan.
Bukod sa taunang panahon ng pagdating ng habagat at amihan, mayroon din tayo ng sistema ng mga bagyo at low-pressure area na nalilikha sa gitnang Pasipiko, saka unti-unting napapadpad pakanluran patungo sa lupain ng Asya. Dala nito ang mga tubig na naiiga mula sa mainit na Pasipiko. At sa tuwing tumatama ito sa kalupaan, tumataas ang hangin at lumalamig saka bumubuhos ang malakas na ulan.
Nakaharap ang Pilipinas sa kanlurang daanan ng mga bagyo o halos hilaga nito. Kapag malapit sa atin ang isang bagyo, anumang bahagi ng taon, nariyan ang mga pag-ulan na kalimitang nagdudulot ng mga landslides. Naranasan natin ang mga bagyong ito ilang linggo na ang nakararaan nang dapat sana ay nasa gitna na tayo ng panahon ng tag-init. Ganito katindi ang naging pag-ulan na naging dahilan sa paghahain ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte ng isang panukalang-batas upang iimbak ang tubig-ulan na nagdudulot lamang ng mga pagbaha at landslides at kalaunan ay dumadaloy patungo sa mga dagat.
Sa kaniyang panukalang-batas, sinabi ng kongresista na dapat na magtayo ng mga rainwater retention facilities ang mga developer ng mga proyekto sa Metro Manila at iba pang pangunahing lungsod bilang bahagi ng kanilang proyekto. Sa paraang ito, maitatabi natin ang tubig-ulan na isang tiyak na pangunahing likas na yaman.
Nagsimula na ang tag-init sa ating bansa. Naglabas na ang Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng isang mapa ng Pilipinas, na nagpapakita sa buong Hilaga at Gitnang Luzon at maraming probinsiya sa Hilaga Visayas at Hilagang Mindanao na nasa panganib na makaranas ng tagtuyot sa mga susunod na buwan.
Bumagsak na sa 69-metrong kritikal na lebel ang tubig sa La Mesa Dam, na nagsusuplay ng tubig sa Metro Manila. Sinimulan na ng Metropolitan Waterworks and Sewerade System (MWSS) na hikayatin ang publiko na magtipid ng tubig. Ang karaniwang panahon ng tag-init ay pinatitindi ngayong taon ng pananalasa ng El Nino, kapag kumakalat ang init na nabubuo sa Pasipiko.
Nararanasan man natin o hindi ang El Nino, kinakailangan nating iimbak ang tubig-ulan na nakukuha natin mula sa panahon ng tag-ulan. Malaki na ang ating naitatabi dito sa mga dam, ngunit kinakailangan pa nating magtayo ng mas marami, kasama ng mas maliliit na rainwater retention facilities.
Patuloy na umiinit at humahaba ang ating mga araw, ngunit nariyan ang likas na yaman—ang tubig-ulan—upang matugunan ang problemang ito. Kinakailangan lamang natin itong itabi at gamitin.