TAWANG-tawang ikinukuwento ni Film Development Council of the Philippines (FDCP) Chairperson Liza Diño ang reaksyon niya habang pinapanood nila ang pelikulang ‘Eerie’ sa Singapore International Film Festival noong Disyembre 3, na ginanap sa Capitol Theater, Singapore.

“Hiyang-hiya ako kasi panay ang hiyaw ko kasi natatakot ako talaga. Nasa harapan ko sina Ms. Malou Santos, Ms. Charo (Santos-Concio), Bea (Alonzo), tapos nasa tabi ko ‘yung executive ng Singapore film festival, napapatingin sila sa akin kapag nagsisigaw ako,” tumatawang kuwento ng FDCP executive.

Kasama ni Ms. Diño ang kanyang better half na si Ice Seguerra sa advance birthday party ng asawa ni Sylvia Sanchez na si Art Atayde nitong Sabado sa Maxims Hotel at isa nga ang pelikulang Eerie nina Bea at Ms Charo sa napag-usapan.

Hanggang saan ang extent nito sa pananakot sa manonood?

Tsika at Intriga

Habang si Maris namundok: Anthony, pumarty kasama ang Incognito stars

“Matatakutin talaga ako, may mga napanood na rin naman akong ibang pelikula, pero itong ‘Eerie’ talaga, grabe, mapapasigaw ka talaga, successful si Mikhail (Red - director) sa pananakot niya, panoorin n’yo,” sabi sa amin.

Nabanggit nga namin na sa unang 10 minutes trailer ng Eerie sa ginanap na mediacon sa ABS-CBN Studio Experience sa Trinoma Mall ay talagang naghihiyawan na ang lahat at mas lalo na sa ikalawang trailer na ipinakita sa mga dumalo.

Napag-usapan din ang tungkol sa mga pelikulang hindi kumikita dahil sa mahal ng bayad sa sine at siyempre sinabi rin namin na may mga pelikula kasing hindi maganda kaya siguro hindi kumita.

“Agree naman ako diyan kasi naniniwala akong may sariling audience din ang bawat pelikula,” pagsang-ayon naman ni Ms. Diño.

Hindi naman masasabing kulang sa promo ang mga pelikulang hindi kumita simula nitong Enero dahil produced ito ng malalaking movie outfit na nag-effort kung paano umingay ang pelikula.

“Hindi na rin guaranteed ang social media kasi may mga pelikulang todo promo, waley pa rin,” katwiran din ng taga-online.

Namimili na talaga kasi ang moviegoers para sulit ang ibabayad nilang P300-350 kada sine. Gusto nila, malalaking artista na kikiligin sila tulad ng Alone Together nina Liza Soberano at Enrique Gil.

“Oo nga, pero sana bigyan din ng chance ang drama o horror films. Hindi lang romcom ang panoorin,” saad ni Ms. Liza.

Optional ang Kita Kita nina Alessandra de Rossi at Empoy Marquez dahil indie movie ito na nag-experiment sa tambalan. Kaya naman ‘yung mga nagsunurang two-characters movie lang ay hindi naging successful maliban sa Exes Baggage dahil gusto ng tao sina Angelica Panganiban at Carlo Aquino.

At dito na naikuwento ng FCDP chairperson na nakipag-meeting siya nitong Biyernes sa mga film producer at representative ng movie houses.

“Base sa guidelines ay sinabi namin na ilipat na sa Friday ang opening ng movies instead of Wednesday para mas maraming manood kasi walang pasok kinabukasan.

“Tapos guaranteed na tatlong araw bago i-pull out like kung Friday ang opening, Saturday and Sunday palabas pa rin, ‘pag hindi kumita, i-pull out na ng Monday and more equitable ratio between Filipino and Foreign films, tapos ‘yung mga trailers.”

Paano kung may mag-apela, “may government partners naman kami. Dalawang taon kong pinush ito,” saad pa ni Ms Diño.

Maging ang presyo ng sine ay nasa guidelines din, “sa student price muna, P220. Doon muna mag-start kasi gusto munang i-asses ng film producers kung nasa presyo ba talaga kaya hindi kumikita ang pelikula.

“Kaya sa Wednesday (bukas) malalaman ang sagot, kailangan ang producers at cinemas mag-agree, so kung mismong mga producers conservative sila sa P220 na recommended namin price for student. Pero sa Filipino films lang, kasi hindi naman natin madidiktahan ang foreign. Kaya dapat campaign ang gawin,” paliwanag pa ng namumuno ng FDCP.

-Reggee Bonoan