Hinamon ng grupo ng mga construction workers si special envoy to China Ramon Tulfo na magtrabaho sa construction site sa loob ng tatlong araw, upang malaman umano niya ang hirap na pinagdaraanan upang kumita at maintindihan nito ang kanilang sitwasyon.
Sa Facebook note na ibinahagi ni Alan Tanjusay, tagapagsalita ng Associate Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines, kinastigo ng mga construction workers na kumakatawan sa Industry Tripartite Council si Tulfo dahil sa "highly inappropriate" na pahayag nito laban sa mga manggagawa.
"We urge you to immerse in construction sites for three days starting 10 a.m. Wednesday, March 13, 2019. Come live and work with us for three days before you make your conclusions. We have alerted all our members in Metro Manila to assist and accommodate you wherever construction sites you may want to immerse," pahayag ng grupo, nitong Lunes.
Ang CITC ay bahagi ng isang tripartite body na sangkot sa mga policy consultation at social dialogue na may kaugnayan sa industriya ng konstruksiyon. Binubuo ito ng 100,000 manggagawa mula sa pamahalaan, mga project contractors at mga may-ari.
"If Chinese contractors told you that Filipino workers are inefficient and are slowpokes, why didn't you verify it? Why didn't you even defend your fellow Filipinos from these foreign Chinese contractors?" pahayag ng mga manggagawa.
Iginiit din ng grupo na lahat ng mahahalagang imprastruktura ay hindi maitatayo kung hindi dahil sa mga laborer na tinawag ni Tulfo na "slowpokes" at "inefficient".
Una rito, sinabi ni Tulfo na higit na mas magaling ang mga Chinese workers kumpara sa mga Pinoy, bilang pagdepensa sa pagdagsa ng mga Chinese na manggagawa sa bansa sa isang panayam sa “On The Record” ng CNN Philippines.
Dahil dito, nanawagan ang Trade Union Congress of the Philippines kay Tulfo na humingi ng tawad para mga Pinoy na manggagawa. Gayunman, tumanggi ito at sinabing, "To the Filipino construction workers: Why should I apologize to you for telling the truth that you’re basically lazy and a slowpoke? Does the truth hurt?" tweet ni Tulfo.
Samantala, kinontra rin mismo ng television at radio broadcaster na si Raffy Tulfo ang pahayag ng kanyang panganay na kapatid, at iginiit na walang basehan at hindi alam ni Mon ang mga pinagsasabi nito.
Sinabi pa ni Raffy, sa katunayan nga ay mas hinahanap ng mga kumpanya sa ibayong dagat na kumuha ng mga trabahador na Pinoy dahil matiisin, masipag, at masunurin.
Iginiit rin ng nakababatang Tulfo na walang karapatan ang kanyang kuya na magsalita laban sa mga manggagawang Pinoy kahit na ito’y special envoy pa sa China at sa halip ay dapat umanong unahin ni Mon ang karapatan ng mga Pilipino at hindi ng mga dayuhan.
-Erma R. Edera at Mary Ann Santiago