DUMADALO si China Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua sa unang anibersaryo ng pagdiriwang ng Presidential Anti-Corruption Commission sa Malacañang nitong nakaraang Miyerkules nang sabihin nito sa isang panayam na: “China is committed to peacefully settle the dispute we have and we are working very well in managing our different views.” Binigyang-diin niya ang determinasyon ng China para ayusin ang anumang sigalot sa pamamagitan mapayapang paraan at nagpahayag ng pag-asa para sa pag-usad ng pagpapanatili ng kapayapaan sa rehiyon.
Malinaw na tumutugon ang ambassador sa naunang naging pahayag ni United States Secretary of State Michael Pompeo, na nangangako ang Amerika na dedepensahan nito ang Pilipinas laban sa anumang pag-atake sa South China Sea. Ito ang unang pagkakataon na inihayag ng isang opisyal ng US sa publiko ang intensiyon nito na ipagtanggol ang Pilipinas sa South China Sea. Isinasaad ng PH-US mutual DefenseTreaty of 1951 ang aksiyon ng magkabilang bansa sa kaso ng “armed attack sa Pacifica area.” Ngunit dineklara kamakailan ni Secretary Pompeo na “as the South China Sea is part of the Pacific,” sakop ng kasunduan ang South China Sea.
Nasa South China Sea ang mga islang ipinaglalaban ng Pilipinas at apat na iba pang bansa sa ASEAN—ang Vietnam, Malaysia, Indonesia at Brunei Darusallam—kontra sa pag-aangkin ng China.
Sa panayam sa Malacañang, inihayag ni Ambassador Zhao na “[there is no need to] worry over China attacking anybody because it is not our policy.” Aniya, hindi kailanman nagbanta ng pag-atake ang China laban sa Pilipinas sa nakalipas na isang libong taon ng kasaysayan ng ugnayan sa pagitan ng China at mga mamamayan ng arkipelago.
Nabanggit ng ambassador ang magandang hangarin sa relasyon sa pagitan ng China at iba’t ibang kaharian ng Pilipinas at sultanato mula pa noong 1,000 AD, simula sa pagpapadala ni Rajah Kilig ng Butuan ng ilang paglalakbay sa China. Mas maraming misyon ang ipinadala ni Sultan Paduka Batara noong 1417, kung saan mismong ang sultan ay bumisita kay Emperor Yongle. Namatay ang sultan dulot ng cholera habang nasa China at inilibing kahanay ng mga emperador ng Ming sa probinsiya ng Shantung.
Sa kasalukuyan, may puntod sa Jolo na may lapidang na nagbibigay ng pagkilala sa “Pei-Pei Hien” o “honourable fountainhead”, titulong iginawad kay Poon Tao Kong, isang opisyal ng dakilang maglalayag na Chinese na si Changho na naglakbay sa Katimugang Dagat ng Pasipiko matagal na panahon na bago pa dumating ang mga manggagalugad mula sa Europa.
Para sa kaalaman ng Pilipinas, matagal nang mapayapa at kapatid ang pakikitungo ng China dito, ani Ambassador Zhao. Para sa South China Sea, aniya, “80 percent of China’s trade with the rest of the world passes through South China Sea. Hence we should understand its concern that this route be kept free and open.”
Ang mga salitang binitiwan ng ambassador ay nagbibigay ng kasiguraduhan para sa mga nangangamba sa posibleng pagsiklab ng tensyon sa South China Sea matapos ang naging deklarasyon ni Secretary Pompeo na ipagtatanggol ng Amerika ang Pilipinas sa ilalim ng 1941 Mutual Defense Treaty “as the South China Sea is part of Pacific.”
Ikinalulugod natin ang kasiguraduhan ni Secretary Pompeo. Kaalinsabay nito, ikinalulugod din natin ang sariling pagsisiguro ni Ambassador Zhao na walang dapat ikabahala ang mundo mula sa China dahil ang interes ng China ay ang pagpapanatili ng kapayapaan sa South China Sea.
Ang naging pahayag ng ambassador sa mungkahing Code of Conduct, na ngayong tinatrabaho ng China at ng mga bansa sa ASEAN upang makatulong na pamahalaan ang pagkakaiba-iba at mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon. Taong 2017 pa napagkasunduan ang balangkas ng mungkahing Code of Conduct. Mas malaking hakbang ang dapat na ilaan upang maisapinal na ang Code of Conduct, upang maging matatag at matibay na bahagi ito ng pangkalahatang istruktura ng kapayapaan sa rehiyon.