NITONG nakaraang buwan, naglabas ng babala ang International Criminal Police Organization (Interpol) laban sa iba’t ibang paraan na ginawa kamakailan upang makapagbiyahe ng ilegal na droga sa ilang bansa.

Sinabi nito na ang drones— unmanned aerial systems— ay ginagamit upang makapagpadala ng droga sa bilangguan kung saan lumalabas na namamayani ang bentahan ng droga sa maraming bansa. Inilalagay ang mga droga sa loob ng iba’t ibang gamit gaya ng tennis balls at carton ng matatamis na inumin.

Iniulat ng Interpol ang drug smuggling sa international airport sa Cape Verde na ginamitan ng mga condom na nilagyan ng liquid cocaine at itinago sa mga bra ng mga babae.

Sa Australia, 11 shipment ng iba’t ibang item na nakalistang “decorative bulbs” at “craft materials” mula sa United Kingdom sa ilalim ng sistema ng “resender parcel services” upang itago ang tunay na bansang pinagmulan ng ilegal na droga. Ang padala ay naglalaman ng opium, na nagmula lamang sa mga bansa sa Asya na nagpoprodyus nito.

Iniulat din ng Interpol ang ilang insidente gaya ng pagpupuslit ng heroin sa mga dalampasigan sa Yemen at iba pang bansa sa Red Sea, na dala ng maliliit na bangkang pangisda, at ibiniyahe sa Egypt.

Mayroon tayong sariling kaso ng bentahan ng droga sa Pilipinas, gaya ng shabu na itinago sa magnetic lifters na kalaunan ay inabandona sa Manila International Container Port. Kamakailan, maraming bricks ng cocaine ang namataang palutang-lutang sa mga baybayin ng Pilipinas, dahilan upang magbabala si Pangulong Duterte na ang Medelin drug cartel ng Colombia ay maaaring nagsimula na ng cocaine trafficking operations sa ating bansa.

Una nang nagsuspetsa ang awtoridad na ang lumutang na bricks ng cocaine ay para sa Australia, dahil ang mga Pilipinong adik ay mas gusto ng mumurahing shabu, kaysa cocaine, na mula sa Coca plant na marami sa South America at karaniwang droga ng mga adik sa Amerika. Ngunit marami nang cocaine ang naglutangan sa ating mga isla — mula sa Aurora hanggang sa Dinagat Islands hanggang sa Surigao del Sur hanggang Davao Oriental – mahirap paniwalaan na ang cocaine ay para sa Australia.

Tunay ngang kalat na ang problema sa droga sa buong mundo sa paglalabas ng babala ng Interpol hinggil sa iba’t ibang paraan ng pagbiyahe ng ilegal na droga sa iba’t ibang bansa at iba’t ibang lugar sa mga bansa.

Tayo sa Pilipinas ay matagal nang nakikipaglaban sa ilegal na droga. Una nang inakala ni Pangulong Duterte na kaya niyang puksain ang pagkalat ng droga sa loob ng ilang buwan, ngunit kalaunan ay sinabi niyang aabutin ng ilang taon, sa laki at lawak ng problema. Matututo tayo sa ulat ng Interpol sa ibang bansa at magpapatuloy tayo sa sarili nating kampanya laban sa ilegal na droga.