KASABAY ng pag-iral kahapon ng Rice Tariffication Act (RTA) – kaakibat ng kabi-kabilang pagtutol ng iba’t ibang sektor – lalo namang tumindi ang hinanakit ng mga magsasaka na sila ay talagang napag-iwanan sa agrikultura at biktima ng kawalan ng malasakit ng administrasyon; na sila ay mistulang kinawawa sa kabila ng katotohanan na sila ang pinakamahalagang instrumento sa pagkakaroon ng sapat na pagkain o rice self-sufficiency.
Sa isang media forum na dinaluhan ng ilang kinatawan ng grupo ng magbubukid, pahapyaw kong ipinaliwanag ang ilang probisyon ng RTA na inaakala kong nakakiling, kahit paano, sa ating mga kapatid na magbubukid. Subalit kahit anong paglilinaw ang aking binigyang-diin, ‘tila sarado na ang kanilang pag-iisip sa paniwala na ang naturang batas ay isang anyo ng pagmamalupit sa kanilang hanay.
Sa isang yugto ng panayam, walang kagatul-gatol na ibinulalas ng mga magsasaka ang kanilang panggagalaiti sa pangasiwaan, lalo na sa tinaguriang economic managers ng gobyerno na sinasabing manhid sa pangangailangan ng sambayanan; hindi alintana ang makabuluhang misyon na ginagampanan ng mga magbubukid sa mga kaunlarang pangkabuhayan, lalo na sa larangan ng agrikultura. Isipin nga naman na isang opisyal ng Duterte administration ang mistulang nag-utos sa mga magsasaka na magtanim na lamang ng ibang agriculture crop sa halip na palay. Hindi ba ang gayong pahayag ay produkto ng malabnaw na utak, wika nga?
Sa naturang media forum, lumutang ang matinding paghihimutok na may kaakibat na pagngingitngit ng mga magsasaka nang tandisan nilang ibinulalas na ipagbibili na lamang nila ang kanilang mga bukirin at iiwanan ang pagsasaka; hihikayatin ang kanilang mga kaanak na humanap na lamang ng ibang pagkakakitaan. At pakutya pang ipinahiwatig na hahayaan na lamang nilang tayuan ng mga subdivision ang kanilang mga bukirin. May mga malalaki kayang subdivision developers ang mistulang nangangamkam ng sinasaka nilang palayan?
Ang ganitong pananaw ng mga magbubukid ay marapat burahin ng administrasyon sa pamamagitan ng puspusang pag-ayuda sa naturang sektor na tinaguriang mga gulugod ng bansa o backbone of the nation. Sa pag-iral ng RTA, kailangang simulan nilang ibuhos ang sinasabing P10 bilyon na nakaukol sa pagpapaunlad ng agrikultura. Hindi dapat panghinayangan ang pagkakaloob ng makabagong mga makinarya sa pagsasaka, kabilang na ang iba pang benepisyo na magpapabago sa kanilang planong talikuran ang pagbubungkal ng bukirin.
-Celo Lagmay