NAGKITA sina Pangulong Duterte at United States Secretary Michael Pompeo sa Maynila nitong nakaraang Huwebes at “they reaffirmed the long-standing US-Philippines alliance, discussing ways to improve cooperation on regional security and counter-terrorism,” saad sa pahayag ng US State Department na ipinaskil sa website nito.
Kasabay nito’y nakipagpulong din si Secretary Pompeo kay Philippine Secretary of Foreign Affairs Teodoro Locsin. Sa kanilang pinagsamang pahayag matapos nito, sinabi ni Pompeo na nangangako ang Amerika na dedepensahan ang Pilipinas laban sa anumang armadong pag-atake sa pinag-aagawang South China Sea. Ito ang unang pagkakataon na inihayag ng isang opisyal ng US sa publiko ang intensiyon nitong depensahan ang Pilipinas sa South China Sea.
Sa ilalim ng 1951 US-Philippines Mutual Defense Treaty, tutulong ang dalawang bansa sa isa’t isa sa kaso ng “armed attack in pacific area” sa maalinmang partido. Dahil nasa kanluran ng Pilipinas ang South China Sea, habang ang Karagatang Pasipiko ang nasa silangan natin, lumalabas na tinutukoy ng kasunduan ay ang anumang pag-atake sa South China Sea.
Nasa bahagi ng South China Sea ang pinaglalabang mga isla ng Pilipinas at ilan pang maliliit na bansa sa rehiyon—ang Vietnam, Malaysia, at Indonesia, kasama ang Taiwan—laban sa pang-aangkin ng China. Itinaboy ang ating mga mangingisda mula sa Scarborough Shoal (Panatag o Bajo de Masinloc) na malapit sa kanluran ng Zambales noong 2016. Bahagi ang Scarborough ng ating 200-mile Exclusive Economic Zone sa ilalim ng UN Convention on the Law of the Sea. Ngunit inaangkin din ito ng China na pasok umano sa kanilang kanlurang hangganan ng iginigiit nitong teritoryo sa tinutukoy na nine-dash line.
Pinili ni Pangulong Duterte na magtatag ng isang mas malapit na ekonomikal na pakikipag-uganyan sa China sa halip na ipaglaban ang karapatan natin sa Scarborough at sa iba pang mga isla sa South China Sea. Aniya, hindi tayo magwawagi sa isang digmaan laban sa China. Mayroon tayong 1951 PH-US Mutual Defense Treaty, ngunit tiyak ang pagsasaad nito na ang aksiyon ng US ay “in case of an armed attack in the Pacific Area.”
Nitong nakaraang Huwebes, sinabi ni Secretary Pompeo sa isang pulong balitaan kasama si Secretary Locsin na: “As the South China Sea is part of the Pacific, any armed attack of Philippine forces, aircraft, or public vessels in the South Chian Sea will trigger mutual defense obligations under Article 4 of our Mutual Defense Treaty.”
Gayunman, ang heyograpikal na interpretasyon ni Secretary Pompeo ay ‘tila hindi nakakumbinsi sa sarili nating mga opisyal. Sinabi ni Secretary Delfin Lorenzana na kailangang muling pag-aralan ang Mutual Defense Treaty. Binigyang-diin din niya na hindi kailanman naratipika ng Kongreso ng US ang kasunduan.
Ikinalulugod natin ang naging pahayag ng pasisiguro ni Secretary Pompeo hinggil sa pagpapatuloy ng alyansa ng US-PH ngunit nauunawaan din natin ang panawagan ni Secretary Lorenzana para muling pag-aralan ang kasunduan upang tanggalin ang anumang misinterpretasyon. Pansamantala, kailangan nating panatilihin ang ating polisiya ng pakikipagkaibigan sa lahat ng bansa, kabilang ang China, na mayroon tayong nakabimbin na sigalot na nararapat na maayos nang mapayapa.