BILANG bahagi ng luksang-parangal o eulogy para kay Enrique ‘Pocholo’ Romualdez, nais kong bigyang-diin ang kanyang pagiging mahinahon sa pagpapasiya sa makatuturang mga bagay sa anumang pagkakataon. Nasaksihan ko ang gayong pagtingin niya sa buhay hindi lamang sa kanyang pagiging haligi ng peryodismo kundi maging sa iba pang larangan ng pakikipagsapalaran.
Nagsisimula pa lamang ako sa media bilang proofreader ng Old Manila Times nang makilala ko si Pocholo, tulad ng nais niyang itawag sa kanya ng aming mga kasamahan sa naturang pahayagan. Isa siya noon sa aming mga editor na naging patnubay at mistulang guro sa editorial department, lalo na sa katulad naming nagsusumikap upang maging professional journalists.
Hindi ko malilimutan na siya ang naging daan upang ako ay mabigyan ng pagkakataong maging regular staff ng editorial department. Naniniwala ako na ito ay bunga ng kanyang pagiging mahinahon sa pagtimbang at pagpapasiya sa anumang makabuluhang bagay. Dangan nga lamang at masyadong maikli ang gayong oportunidad sapagkat biglang isinara ang nasabing pahayagan – tulad ng iba pang media outfit – dahil sa deklarasyon ng martial law; hindi lamang kinitil ang kalayaan sa pamamahayag o press freedom kundi mistulang nilumpo ang demokrasya.
Sa kabila ng gayong masungit na panahon, sumilang ang mga pahayagan, kabilang na ang Philippine Daily Express na pinamahalaan ni Pocholo. Bilang editor, naniniwala ako na minsan pang pinairal ni Pocholo ang kanyang pagiging mahinahon na may kaakibat na talino sa pagpapasiya. Sa kabutihang-palad, napabilang ako sa mga miyembro ng editorial staff ng nasabing peryodiko. Simula noon, minsan pang naging normal ang buhay sa larangan ng pamamahayag.
Noon din nagsimula ang malimit na paglalaro ni Pocholo ng poker, kalaban ang iba pa naming mga kapatid sa propesyon mula sa iba’t ibang media outfit. Noon, natiyak ko na nawalan ng epekto ang kanyang pagiging mahinahon at maingat sa pagpapasiya. Laging tumatakbo, halos kasabay ng iba pa naming kalaro, kapag sila ay hinahamon at pinupustahan ko. Bilang paggalang kay Pocholo, halos pasigaw kong inibubulalas: Sorry Boss.
Sa kabila ng lahat ng ito, dinadakila kita hindi lamang bilang isang matatag na haligi ng peryodismo kundi bilang isang matapat na kaibigan. Isang mataos na pakikidalamhati sa iyong mga mahal sa buhay. Sumalangit nawa ang iyong kaluluwa
-Celo Lagmay