BAGAMAT kumilos na ang pamahalaan para linisin ang puno ng polusyon at basura na Manila Bay, may mga plano na isinusulong ang ilang sektor para gamitin ang malaking bahagi ng look sa pagbuo ng bagong lupain para sa pagpapaunlad.
Mayroong 22 planong proyekto sa buong bahagi ng Manila Bay, kung saan tatlo dito ang nalalalapit nang aprubahan. Sakaling pumasa, sasakupin ng 22 proyekto ang nasa 22,000 ektarya o nasa 11 porsiyento ng kasalukuyang sukat ng Manila Bay na 1,994 kilometro kuwadrado. Napaulat na kabilang sa tatlong proyekto na inaprubahan, base sa panuntunan ng Philippine Reclamation Authority (PRA), ay ang 148-ektaryang Solar City Urban Center sa Maynila, ang 360-ektaryang proyekto sa lungsod ng Pasay, at ang 650-ektaryang Navotas Boulevard Business Park.
Sa pagdinig kamakailan ng House Committtee on Metro Manila Development, kinuwestiyon ni Rep. Lito Atienza, dating Mayor ng Maynila, ang isang opisyal ng PRA hinggil sa posibleng masamang o negatibong epekto ng reklamasyon. Tiyak na magkakaroon ng “effect” ngunit ang “systems” ay ipatutupad upang mabawasan ang epekto ng mga proyekto sa kalikasan, ayon sa opisyal. Na sinagot ng kongresista ng: “If all these projects are allowed to procee, the effects will be the catastrophic for all of us.”
Nitong nakaraang Pebrero 4, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Executive Order No. 74, na nagsasaad na bagamat nasa PRA ang awtoridad para sa pag-aapruba ng lahat ng mga reclamation projects sa bansa, nasa ilalim na ito ngayon ng Office of the President, sa halip na sa Department of Environment and Natural Resources. Nakasalalay ngayon sa Pangulo kung ano ang magiging kapalaran ng mga reclamation projects sa Manila Bay at sa iba pang lugar.
Ang pagpapalabas ng isang ehekutibong kautusan ay nagbibigay ng senyales para ihinto ang tila minamadaling maraming proyekto makalipas ang malinaw na tagumpay ng orihinal na reklamasyon na ipinatupad ng administrasyon noon, na lumikha sa lupain na ngayo’y kinatatayuan ng mga pinakabagong istruktura at establisyemento sa mga lungsod ng Maynila, Pasay at Parañaque.
Gayunman, sa kasamaang palad para sa kanila, ang mga proyektong ito, na nangangako ng malaking tubo para sa lokal na pamahalaan at mga negosyo sangkot, ay naiipit sa gitna ng malawakang programa para linisin ang Manila Bay makalipas ang ilang dekadang pagbalewala rito. Gugugol ito ng mahigit pitong taon, ang orihinal na tantsa ng DENR, upang matigil ang polusyon ng Manila Bay ng mga maduduming tubig at dumi na ibinubuga ng Metro Manila at mga palibot nitong probinsiya sa mga sapa, estero at ilog na napupunta sa look.
Kaya bang pagsabayin ang rehabilitasyon at reklamasyon sa Manila Bay? O dapat na ipagpaliban muna ang isa para sa isa? Sa pagitan ng rehabilitasyon at reklamasyon, walang dudang mas pabor ang maraming opisyal sa huli. Ngunit sa Executive Order No. 74, nasa kamay ni Pangulong Duterte ang pinal na responsibilidad para sa kahihinatnan ng Manila Bay.
Kumpiyansa tayo sa kanyang pagtataya sa kritikal na bagay na ito sa pagitan ng rehabilitasyon at reklamasyon ng Manila Bay.