SA biglang tingin, ang paghamon ng mga kandidato ng oposisyon sa pagka-senador upang makipag-debate sa administration bets ay isang makatuturang barometro upang makaliskisan, wika nga, ang mga lider na iluluklok natin sa Senado. Mawalang-galang na sa kinauukulang mga kandidato, natitiyak ko na sa gayong makabuluhang okasyon, malalantad ang katalinuhan, kayabangan at kakapusan ng kaalaman ng ilang debatista. Dahil dito, gusto kong maniwala na walang mararating ang naturang debate na mistulang paghahamunan ng suntukan ng mga batang-lansangan.
Hindi maitatanggi na ang anumang anyo ng debate ay magbibigay-buhay sa kultura ng pulitika sa ating bansa. Ang ganitong tagisan ng pangangatuwiran ay malimit nating masaksihan sa iba’t ibang pambayang tanghalan, tulad ng Plaza Miranda at iba pang lugar. Kapag may masasalimuot at masyadong kontrobersyal na isyu na gumigiyagis sa pamayanan, lagi nating naririnig sa mga pulitiko: Pag-usapan natin ito sa Plaza Miranda.
Natitiyak ko na naging bahagi rin ng ating buhay-estudyante ang pagsaksi sa matinding debate noong panahon natin sa kolehiyo at unibersidad. Lagi nating sinasaksihan at pinananabikan ang paghaharap ng iba’t ibang debating team sa mga paaralan. Labis nating hinahangaan ang palitan ng matatalinong argumento sa pinagtatalunang mga paksa; patayugan ng lohika at paligsahan sa pagbigkas ang nagiging batayan ng pagpili sa pinakamahusay na debatista.
Subalit iba ang sistema ng debate na dapat nating masaksihan sa Senado – tagisan ng talino at lalim ng pangangatuwiran ng mga mambabatas na papalaring maihalal sa Senado. Dito natin masusukat ang mga kakayahan sa panunungkulan na ipinangangalandakan nila noong panahon ng pangangampanya.
Biglang sumagi sa aking utak ang ating sinaunang Senado na binubuo ng matatalino, maginoo at huwarang mga mambabatas. Wala akong tutukuying sinuman, subalit hindi natin malilimutan ang kanilang kahanga-hanga at matalinong pakikipagbalitaktakang kaakibat ng pagbalangkas nila ng makabuluhang lehislasyon; pakikipagtalo na puspos ng lohika; pagsasabatas ng mga bill na tunay na pakikinabangan ng sambayanan at ng bansa.
Ang gayong mga eksena ang dapat nating masaksihan sa kasalukuyan at darating na Senado
-Celo Lagmay