SA pagkakasabat ng mga cocaine bricks na nakalutang sa karagatan sa iba’t ibang rehiyon ng ating bansa, lalong tumindi ang mga panawagan na marapat nang ilantad ang narco-list na kinapapalooban ng hindi lamang mga pulitiko kundi maging ng mga pushers at druglords na sinasabing pasimuno sa pagdagsa ng mga bawal na droga sa mga komunidad. Natitiyak ko na ang naturang panawagan ay may kaugnayan hindi lamang sa napipintong halalan kundi dahil sa mga haka-haka na ang nasabing mga drug personalities ay galamay ng mga drug syndicate.
Hindi malayo na ang nasabat na mga cocaine bricks na paminsan-minsan ding tinatawag na bloke o ladrilyo ng cocaine ay pinalutang ng mga sindikato ng droga na hindi maawat sa pamamayagpag sa kasumpa-sumpang bisyo. At may mga sapantaha na sila ay kasabwat ng Colombia drug cartel na Golden Triangle drug syndicate. Ang nasabing mga sindikato ay sinasabi ring pasimuno sa pagpapasok ng bultu-bultong droga sa ating bansa. Gusto kong maniwala na ito ang dahilan kung bakit hindi maubos-ubos ang shabu, cocaine at marijuana na sinisinghot at hinihitit ng mga lulong sa droga.
Matagal nang nagpahiwatig si Pangulong Duterte na nais din niyang malantad ang narco-list na malimit niyang ipagsigawan sa publiko. Ganito rin ang paninindigan ng Department of Interior and Local Government (DILG) at ng Presidential Drug Enforcement Agency – at ng mismong mga mamamayan. Katunayan, matagal nang dapat ibinulgar ang nasabing listahan bilang batayan ng ganap na paglipol sa illegal drugs. Dapat lamang tiyakin ng PDEA, DILG at ng iba pang ahensiyang pangseguridad na nagkaroon ng maingat na pagsusuri upang walang maging biktima ng kahihiyan.
Gayunman, may dahilan ang Pangulo upang magpuyos sa galit sanhi ng ‘tila hindi mapuksang illegal drugs. Kabuntot ito ng kanyang nakakikilabot na babala: Magiging madugo ang kanyang pakikidigma sa droga sa natitirang tatlong taon ng kanyang panunungkulan; pagtuunan ang paglipol sa local at international drug syndicate na walang patumangga sa pagpasok ng droga sa bansa sa hangaring makalikom ng limpak-limpak na drug money na sinasabing magpapabagsak sa mga kaalyado ng administrasyon.
-Celo Lagmay