Bagong sasakyan, motorsiklo sa MPBL All-Star Weekend
BAGONG sasakyan, motorsiklo at ilang mahahalagang gadgets ang naghihintay sa basketball fans kaloob ni Senator Manny Pacquiao.
“Simple lang po ang gagawin natin. Magpunta sa MOA Arena, bumili ng tikets kahit magkano po ang presyo ng tiket na bibilhin kasama na po kayo sa raffle at may tsansang manalo sa mga premyo na kaloob ni Senator Manny Pacquiao,” pahayag ni Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Commissioner Kenneth Duremdes, sa kanyang pagbisita kahapon sa “Usapang Sports’ ng Tabloid Organization in Philippine Sports (TOPS) kahapon sa National Press Club.
Ang imbitasyon ni Duremdes ay patungkol sa gaganaping MPBL All- Stars Weekend sa Marso 2 sa MOA Arena sa Pasay City.
Kabilang sa mga tampok na events na tiyak na magbibigay kasiyahan sa basketball fans ang Three-Point Shootout, Slam Dunk contest, 2-Ball competition, Executive Match at ang North vs. South All- Star game.
“Pero siyempre, ang All-Stars Game namin ay para sa aming mga fans at supporter. Ito ang pamamaraan namin para magpasalamat,” sambit ni Duremdes sa lingguhang forum na suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) sa pamumuno ni William ‘Butch’ Ramirez at NPC.
Tatayong coach ng North All- Star si Jojo Lastimosa ng Bataan Risers-Zetapro, habang si Don Dulay ng Davao Occidental Tigers-Cocolife ang bahala sa South team.
Ilan sa star players ng liga na inaasahang makikibahagi sina Aris Dionisio ng Manila, Gary David ng Bataan, JR Taganas ng Bulacan, Larry Rodriguez ng San Juan at Paolo Hubalde ng Valenzuela para sa North; Allan Mangahas ng Muntinlupa, Mark Yee ng Davao Occidental, Jeff Viernes ng Batangas, Gab Banal ng Bacoor para sa South.
“Yung starters po parang sa NBA yan, through voting. Tapos yung ibang member bahala na ang mga coach na pumili, pero dapat ang pipiliin nila galing sa iba pang teams,” sambit ni Duremdes.
Kabuuang 26 koponan ang miyembro ng MPBL at sinabi ni Durendes na bukas pa sila para sa anim na koponan sa susunod na season.
Nilinaw din ni Duremdes ang kagustuhan na mapasailalim sa supervisioned ng Games and Amusement Board (GAB) at pinag-aaralan pa umano ngkanilang legal counsel ang posibleng maging resulta nito sa mga players na aktibo pa ring miyembro ng collegiate leagues at iba pang commercial tournaments.
“Tama naman po ang GAB dahil mainam na may supervision. Pero sa ngayon yung vision po kasi ng liga na grassroots at nandyan kaya until now amateur kami, So far, nakikipag-usapnaman kami kay GAB Chairman Baham Mitra para maayos ito for the good of everybody,” aniya.
Iginiit ni Duremdes na walang suweldo o kontrata angmga players ng MPBL.
“Pero merons ilang nakukuhang allowances,” pahayag ng one-time MVP ng PBA na tinaguriang ‘Captain Marbel’
-Edwin G. Rollon