Smartphone na natutupi na parang wallet? Kakayanin kaya ng wallet mo ang presyo nito?
Inilabas na ng Samsung ang pinakaaabangang smartphone nito na may foldable screen, sa layuning patunayan na hindi totoong “everything has already been done” sa teknolohiya ng mobile phone.
Pero hindi pa malinaw kung kakagatin ng mga consumers ang bagong smartphone offering na ito, na nagkakahalaga ng aabot sa $2,000, o mahigit P100,000, o kung sulit ba naman ang nasabing presyo sa mga bagong teknolohiyang hatid nito.
Isinapubliko ng Samsung nitong Miyerkules ng The Galaxy Fold, sa San Francisco, at ibebenta ng $1,980 (P102,960) kapag naging available na sa merkado, sa Amerika, sa Abril 26.
Ang mga willing na magbayad ng mahigit P100,000 para sa bagong device ay makakahawak ng smartphone na natutupi na tulad ng wallet. Maaari itong gamitin bilang tradisyunal na smartphone na may 4.6 inch screen o gawing parang mini-tablet na may 7.3 inch screen.
Kapag hindi nakatupi, kaya ng device na magpagana ng tatlong magkakaibang app sa screen. Mayroon ding anim na camera ang The Galaxy Fold: tatlo sa likod, dalawa sa loob, at isa sa harap.
Makalipas ang halos limang taon ng pagsisikap na makapag-develop ng teknolohiya para sa foldable-screen phone nito, umaasa ang Samsung na tatangkilikin ng consumer ang bagong mukha ng smartphone.
“Get ready for the dawn of a new era,” sabi ni DJ Koh, nangangasiwa sa smartphone division ng Samsung. Ang bagong smartphone, aniya, “answers skeptics who said everything has already been done.”
Associated Press