NITONG Pebrero 12 ay sinimulan na ng mga kandidato sa 2019 senatorial elections ang kanilang 90-araw na pangangampanya upang kumbinsihin ang mga botante na sila ang tamang tao para sa puwesto. Para naman sa mga botante, ito na ang simula ng tatlong buwan ng pagbaha ng impormasyon tungkol sa mga kandidato—ang ilan ay kapaki-pakinabang, habang wala namang bigat ang iba.
Naniniwala ang maraming analysts (isa pang senyales na panahon na nga ng eleksiyon—ang pagsusulputan ng napakaraming “political analysts” at “experts) na ang eleksiyon ngayong taon ay magsisilbing referendum sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ganu’n nga kaya?
Well, puwedeng oo, puwedeng hindi. Idaraos ang halalan sa ikatlong taon ng administrasyong Duterte, kaya natural lang na ituring ang midterm election bilang pagkakataon para sa mga botante na suriin at limiin ang unang tatlong taon ng gobyerno. Sa karaniwang pananaw, kung inihalal ng mga botante ang mga kandidatong kapartido ng Presidente, o kahit na iyong mga inendorso niya, isang senyales iyon na kuntento ang mga botante sa pagganap sa tungkulin ng administrasyon.
Sakali namang inayawan ng mga botante ang mga inendorso ng Pangulo at inihalala ang mga kandidato mula sa oposisyon, malinaw na may tinututulan sila sa kanyang mga polisiya. Ito ang nangyari sa katatapos na midterm elections sa Amerika, nang mapanalunan ng mga Democrats ang mayorya ng mga puwesto sa House of Representatives. Naniniwala ang marami na malinaw ang mensahe ng mga botanteng Amerikano: hindi sila nasisiyahan sa ilan sa mga ginagawa ni President Donald Trump.
Ito ang conventional wisdom. Ang problema sa kumbensiyonal na pananaw ay kadalasang hindi nito natututukan ang mas mahahalagang detalye. Sa halalan sa Pilipinas, isang realidad na ang mga isyu, bagamat mahahalaga, ay hindi ang pangunahing ikinokonsidera ng mga Pilipino sa kanilang pagboto.
Ang pederalismo, digmaan kontra ilegal na droga, isyu sa South China Sea, diborsiyo, same-sex marriage, at iba pang mahahalagang usapin ay consequential issues. Subalit sa aking 21-taong karanasan sa pulitika, natutuhan ko na ibinoboto ng mga Pilipino ang kandidatong kanilang pinagkakatiwalaan. Emosyonal ang mga botanteng Pinoy, gaya ng ibang mga botante sa iba pang panig ng mundo.
Halimbawa, posibleng ang mga kandidatong inendorso, o kaalyado, ng Pangulo ay magkakaroon ng bentahe sa iba dahil na rin sa nasabing pag-eendorso (partikular na kina Bong Go at Bato dela Rosa), pero sigurado ako na ang mga iboboto rin nila si Lito Lapid, nang walang paglilimi sa mga ginagawa ng kasalukuyang administrasyon (ayon sa huling Pulse Asia survey, nasa ikaapat na puwesto ang dating senador). Mahalaga ring ipunto na sina Francis Tolentino at Freddie Aguilar, kapwa mayroong basbas at pag-eendorso ng Presidente, ay hindi pa pasok sa Magic 12 sa mga pre-election surveys.
Ito, siyempre pa, ay nakasalalay sa popularidad ng mga kasalukuyang nasa puwesto. Kung may mataas na approval ratings ang nakaupong Presidente, magiging napakahalaga ng kanyang pag-endorso para sa sinumang kandidato. Sa 2013 senatorial elections, halimbawa, popular pa noon si Pangulong Benigno Aquino III, ayon sa mga survey. Napatunayan ito sa naging resulta ng botohan nang makuha ng koalisyon ng administrasyon na Team PNoy ang siyam sa 12 puwesto sa Mataas na Kapulungan.
Nakakuha si Pangulong Duterte ng 81% approval rating sa huling survey ng Pulse Asia, at 74% trust rating naman sa Social Weather Stations (SWS).
Mangangahulugan ba ito na papaboran ng mga botante ang mga kaalyado ng administrasyon? Malalaman natin ‘yan sa Mayo, ngunit hindi dapat na makisakay na lang ang mga kandidato sa popularidad ng Presidente. Dapat nilang pagsikapan na ipakilala ang kanilang sarili sa mga botante at patunayan ang kanilang sinseridad at kakayahan na makatulong upang maresolba ang maraming problema ng bansa.
-Manny Villar