PALIBHASA’Y nagmula sa angkan ng mga magbubukid, kagyat ang aking reaksiyon sa pagsasabatas ng Rice Tariffication Act (RTA): Isa itong delubyong papasanin ng mga magsasasaka at hindi malayo na ito ay maghudyat sa kamatayan ng industriya ng bigas.
Isipin na lamang na ang mga rice importer ay maaaring umangkat ng bigas; at walang limitasyong itinakda sa naturang rice importation, basta makapagbayad lamang sila ng 35 porsiyentong taripa.
Nangangahulugan na babaha sa murang imported rice ang ating mga pamilihan; at hindi na tayo makabibili ng bigas mula sa National Food Authority (NFA) na ‘tila nahubaran na ng kapangyarihang mamili ng palay mula sa inaani ng mga magsasasaka.
Nauna rito, mistulang manik-luhod ang mga magsasaka, sa pamamagitan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), kay Pangulong Duterte na gamitin ang kanyang makapangyarihang veto power upang hindi makalusot ang RTA. Ngunit kagyat din ang reaksiyon ng Pangulo: “Puwedeng maapektuhan kayo pero ‘yung kabuuang Pilipino ang inaalala ko.” Ibig sabihin, higit na matimbang ang kapakanan ng higit na nakararaming mamamayan na umaasa rin sa murang bigas na mabibili sa mga pamilihan.
Ngunit totoo rin na tuwirang maaapektuhan ng RTA ang 13.5 milyong magsasaka ng palay at ang kanilang pamilya, 17.5 milyong manggagawa sa bukid, mahigit na 10 milyong Pilipino na umaasa sa NFA rice, 20,000 rice retailers at 50,000 rice mill workers. Naniniwala ako na ang mga ito ang manlulumo sa epekto ng naturang batas na pinangangambahang magiging dahilan ng kamatayan ng rice industry.
Ang naturang batas ay isa ring pagmamaliit sa kakayahan ng ating mga magsasaka sa pagpapalaki ng produksiyon ng palay. Isipin na papayagan lamang ang pag-angkat ng bigas sa mga bansang kasapi sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na kinabibilangan ng Thailand, Vietnam, Myanmar at iba pa.
Hindi ba ang mga agrikultor ng naturang mga bansa ay natuto lamang ng makabagong sistema ng pagsasaka sa ating mga agricultural colleges at universities na tulad ng University of the Philippines Los Baños at Central Luzon State University (CLSU)? Hindi ba isang malaking insulto at kabalintunaan na tayo pa ngayon ang aangkat ng bigas sa kanila?
Ang dapat atupagin ngayon ng administrasyon ay puspusang pag-ayuda sa ating mga magsasaka. Hindi natin kailangan ang basta na lamang na mga pangako; kailangang tuparin ang ipinangangalandakan nilang tulong sa magbubukid, tulad ng makabagong makinarya, matataas na kalidad ng binhi, bastanteng mga pataba at iba pang agricultural implements na lubhang kailangan sa pagpapalaki ng produksiyon.
Hindi dapat panghinayangan ang tulong na kailangan ng mga magsasaka. Ang pagkabigo at pagwawalang-bahala ng gobyerno sa gayong makabuluhang pagsaklolo ay baka sakaling makapagligtas sa kamatayan ng industriya ng bigas; at maiiwasan ang pagkawawa sa magsasaka
-Celo Lagmay