KASABAY ng pagbulalas ni Pangulong Duterte ng kanyang hangarin na palitan ng Republika ng Maharlika ang kasalukuyang Republika ng Pilipinas, biglang lumutang ang isang panukalang-batas na may gayon ding intensiyon. Nagkataon na ang naturang bill -- An Act Changing the Name of the Republic of the Philippines to Maharlika -- ay isinulong ni dating Senador Edgar U. Ilarde noong 1978; katuwang niya rito si dating Assemblyman Benjamin V. Bautista.
Ang pahayag ng Pangulo ay nakaangkla sa katotohanan na ang Pilipinas ay isang colonial name. Ibig sabihin, mababaw ang pagkakakilanlan nito bilang isang tunay na bansa ng mga Pilipino. Magugunita na ang Pilipinas ay ipinangalan lamang sa Hari ng Espanya (King Philip II of Spain) nang ang ating bansa ay madiskubre ni Ferdinand Magellan noong 1521, halos 500 taon na ang nakalilipas.
Sa kabilang dako, ang paninindigan naman ni Ex-Senator Ilarde ay bunsod ng kanyang paniniwala na ang kasalukuyang pangalan ng ating bansa ay sumasalamin lamang sa tagumpay ng mga mananakop na naghasik din ng iba’t ibang anyo ng pang-aapi sa ating mga kababayan. Katulad ng itinatadhana ng kanyang bill, inilalarawan ng Maharlika ang matinding pagpapahalaga sa ating katutubong kultura at tradisyon na minana natin sa ating mga ninuno.
Katulad ng matutunghayan sa aklat na sinulat ni Ilarde, nakapanlulumo na hindi nagkaroon ng puspusang pagdinig at debate sa isinulong niyang panukala. Sana ay maliwanagan ang makabuluhang mga simulain at diwa ng pagpapalit ng pangalan ng ating bansa, kaakibat ang pagbabago ng pananaw at pag-uugali ng mga mamamayan; na sa pagiging Maharlikano, mabubura ang mga negatibong katangian na sanhi ng mababang pagtingin sa atin at pag-alipusta ng ibang bansa.
Naniniwala ako na hanggang ngayon, lalong pinaiigting ng dating senador ang pagtataguyod ng pagpapalit ng pangalan ng ating bansa. Sa pamamagitan ng pinamumunuan niyang Maharlika Movement for National Transformation, Inc., walang humpay ang kanyang mga panawagan upang suportahan ang nasabing kilusan. Bunga nito, katakut-takot ang ating mga kababayang OFWs na nananabik na masaksihan ang Republika ng Maharlika sa kanilang pagbabalik sa bansa. Nais nilang madaliin ang pagbalangkas ng batas hinggil sa pagpapalit ng pangalan ng Pilipinas. Ang naturang batas ay marapat pagtibayin sa pamamagitan ng pambansang referendum. Ito ang magiging barometro ng mga mamamayan sa pagtimbang ng merito ng nasabing pagtitibaying batas -- kung hindi magbabago ang kanilang paninindigan at pananabik na masaksihan ang tunay na Republika ng Maharlika, ang pamayanan ng tinatawag na mga kagalang-galang at kamahal-mahalan o noblemen.
-Celo Lagmay