SA kabila ng katotohanan na karamihan ng mga Pilipino ay hindi nagmamaliw sa pagtitiwala sa Amerika kumpara sa China at Russia, mayroong mga mumunting pagbabago na kailangan nating ikonsidera ngayong ang polisiyang panlabas ng ating bansa ay nakatuon sa pagtatatag ng mga panibagong ugnayan sa iba pang mga bansa.
Bagamat natukoy sa Pulse Asia survey na karamihan pa rin ng mga Pilipino ay nagtitiwala sa Amerika, mas maraming detalye ang nadiskubre sa pag-aaral ng Pew Research Center. Sa survey nito noong Mayo 2018, natukoy na 78% ng mga Pilipino ang may positibong pananaw sa Amerika, pero masasabing bumaba ito kumpara sa naitalang 92% noong 2015.
Sa kaparehong pag-aaral, natuklasan na two-thirds ng mga Pinoy (67%) ang naniniwalang mas mahalaga na magkaroon ng matibay na ugnayang pang-ekonomiya sa China kaysa makipag-agawan ng teritoryo rito. Ayon sa pag-aaral ng Pew, “this represents a significant shift since 2015, when Filipinos were split between the two approaches to Chinese relations (43% favored stronger economic relationship with China and 41% wanted to be tougher on territorial disputes) and nine-in-ten viewed the territorial disputes as a big problem”.
Mahalaga ito dahil sumabay ang resulta ng pag-aaral sa mga bagong ugnayang panlabas na tinatahak ni Pangulong Rodrigo Duterte. Sanay na tayo sa mga pangulo ng Pilipinas na nagpapasaklolo sa Amerika para sa ayudang pang-ekonomiya o militar. Subalit sa ilalim ng pamunuan ni Duterte, hinimok ng bansa ang mas masiglang ugnayan sa China, Japan, Russia, at sa iba pang mga bansa.
Para sa akin, kumakatawan ito sa isang paradigm shift. Isa itong pagbabago na dahan-dahan at buong ingat. Binabati natin ang Pangulo at ang kanyang foreign policy team sa pagkilala sa pagbabagong ito sa geopolitics at sa pagsisikap na maiagapay dito ang ating pambansang interes para sa kapakinabangan ng mga Pilipino.
Muli, hindi lang sa Pilipinas ang pagbabagong ito. Sa pito sa 10 bansa sa European Union na sinaklaw ng pag-aaral ng Pew, ang China ang ikinokonsidera nito bilang nangungunang ekonomiya sa bansa. Naniniwala ang Spain (48%), France (47%), United Kingdom (46%), at Germany (41%) na ang China, hindi ang Amerika, ang pangunahing ekonomiya sa mundo sa ngayon. Sa Australia—na mahigpit na kaalyado ng Amerika—58% ang naniniwalang ang China ang nangungunang ekonomiya sa daigdig. Sa pandaigdigang taya (sa 38 bansang saklaw ng pag-aaral ng Pew) 47% ang may paborableng opinyon tungkol sa China, habang 49% ang may positibong opinyon sa Amerika.
Subalit ano ang kahulugan ng mga bilang na ito? Higit sa ano pa man, ano ang kabuluhan ng mga ito para sa mga Pilipino?
Ang pagbabagong ito sa mga nakalap na bilang ay nangangahulugan na kailangang maging sensitibo ng polisiyang panlabas ng Pilipinas sa geopolitical dynamics. Bagamat dapat na manatili ang Amerika bilang isa sa mahahalagang kaalyado natin, hindi ito dapat na makaapekto sa pagsisikap nating isulong ang kapakanan ng mga Pilipino sa pakikipagmabutihan natin sa iba pang mga bansa at magkaroon ng mga bagong kaalyado. Tayo, bilang isang bansa, ay hindi dapat na mahadlangan ng “special relations” natin sa Amerika.
Kailangan nating pag-isipang mabuti ang mentalidad na “either-you’re-with-us-or-you’re-against-us” sa larangan ng ugnayang panlabas natin. Ang mga hakbangin natin sa labas ng bansa ay hindi dapat na nadidiktahan ng ating pakikipagkaibigan sa isang bansa, subalit dapat na nakasalalay sa makukuhang pakinabang ng ating mamamayan.
Isang halimbawa, matagal na nating napabayaan ang ating mga imprastruktura. Sa kasalukuyan, ang China kasama ang iba pang katuwang, ay nagpamalas ng interes na makibahagi sa mga pagsisikap ng ating pamahalaan upang bigyang-daan ang “golden age of infrastructure”. Dapat ba nating tanggihan ang tulong ng China dahil lang sa hindi ito magugustuhan ng ating kaibigan? O dapat ba nating piliin ang hakbanging magdudulot sa atin ng paborableng mga pagbabago at kaunlaran?
Nakasaad sa 1987 Constitution: “The State shall pursue an independent foreign policy. In its relations with other states, the paramount consideration shall be national sovereignty, territorial integrity, national interest and the right to self-determination.”
Tumalima tayo sa gabay ng pangunahing batas sa ating bansa.
-Manny Villar