Umaasa ang Commission on Election na magiging matagumpay ang pagdaraos ng ikalawang bahagi ng plebisito para sa Bangsamoro Organic Law o BOL sa Lanao del Norte at North Cotabato bukas.

Isang residente mula sa Kabacan, North Cotabato. KEITH BACONGCO

Isang residente mula sa Kabacan, North Cotabato. KEITH BACONGCO

Ayon sa Comelec, kasama sa mga lugar na sasalang sa plebisito ang lalawigan ng Lanao del Norte, maliban sa Iligan City; ang mga munisipalidad ng Aleosan, Carmen, Kabacan, Midsayap, Pikit, at Pigkawayan sa North Cotabato; at ang 28 lugar na sakop sa alinmang Bangsamoro core areas, kung saan naghain ang lokal na pamahalaan ng petisyon para sa pagsali sa plebisito.

“January 21 was a success and we hope to duplicate that success here,” pahayag ni Comelec Spokesman James Jimenez.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

“The biggest concern coming into the elections on February 6 is possible spillover of incidents in other parts of Mindanao, but the PNP (Philippine National Police) has said that there is no need to increase the number of election hotspots and they are not expecting any great disruptions during the February 6 plebiscite,” dagdag pa ni Jimenez.

Target naman ng Comelec na magkaroon ng 70% voter turnout sa ikalawang round ng plebisito.

“Ang voter turnout… that remains to be seen if we can match the earlier turnout [January 21 plebiscite] because the stakes are different. The first one was for ratification. Now, it is inclusion. But we see that it will still generate some sort of interest since these places are politically active areas. We expect a voter turnout of not less than 70 percent,” sabi pa ni Jimenez.

Nabatid na ang unang araw ng plebisito ay para sa ratipikasyon ng BOL, na lulusaw sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) para palitan ng Bangsamoro Autonomous Region (BAR).

Sa ratipikasyon, nagwagi ang “yes vote” matapos na makakuha ng mahigit 1.5 milyong boto, laban sa “no votes” na mayroong 198,000 boto lang.

Lalamanin ng mga balota sa ikalawang plebisito bukas ang ilang katanungan hinggil sa posisyon ng botante kung nais nilang maisama ang kanilang lugar sa BARMM.

Samantala, kumpiyansa ang National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) na magiging maayos at tahimik ang ikalawang plebisito.

Umapela si NCMF Director Dimapuno Datu Ramos Jr., sa lahat, Muslim man o Kristiyano, na makiisa sa halalan at gamitin ang kanilang karapatang bumoto.

Nanawagan na rin siya sa mga botante na suportahan ang BOL na isa sa mga agenda ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Samantala, itinanggi naman ni Senior Supt. Leopoldo E. Cabanag, director ng Lanao del Norte Police Provincial Office, ang ulat na may banta ng pambobomba sa probinsiya kaugnay ng plebisito.

Binigyang linaw ng opisyal ang memorandum na inilabas niya nitong Pebrero hinggil sa pagpapaigting ng operasyon ng pulisya dulot ng mga ulat na isang hindi kilalang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) mula sa Marawi City, Lanao del Sur ang nagkuwento hinggil sa planong pambobomba sa ilang bayan sa Lanao del Norte sa araw ng plebisito.

Kabilang sa mga nabanggit na umano’y target na bayan ang Kapatagan, Maranding-Lala, Tubod, Sultan Naga Dimaporo at Baroy, mga bayan na maraming Kristiyano na mahigpit umanong tutol sa paglahok ng anim na bayan sa BARMM.

“Hindi totoo dahil ang MILF ay sumusunod sa usaping pangkapayapan,” paglilinaw ni Cabanag.

Ibinahagi rin niya na mahigit 3,000 sundalo at pulis ang tututok sa seguridad ng plebisito bukas.

Leslie Ann G. Aquino, Mary Ann Santiago, Beth Camia, at Bonita Ermac