Inako ng grupong Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) ang magkasunod na pambobomba sa loob at labas ng Mt. Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu, nitong Linggo ng umaga.

Sa inilabas na ulat sa Amaq News Agency ng ISIS, sinabi ng grupo ng mga terorista na sila ang responsable sa magkasunod na pagsabog sa loob at labas ng simbahan sa Jolo, na ikinasawi ng 20 katao.

Gayunman, hindi pa kinukumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang nasabing pag-ako ng mga terorista sa pambobomba.

Sa kabila nito, sinabi ng AFP na posibleng ang Ajang-Ajang Group ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang may kagagawan sa pagsabog, batay sa nakuhang CCTV footages sa isa sa mga suspek.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sinabi ni Col. Gerry Besana, tagapagsalita ng Western Mindanao Command (WestMinCom), na magiging basehan at malaking tulong ang nasabing footage sa isinagawang pagsisiyasat ngayon ng mga awtoridad.

Kinumpirma naman kahapon ni Justice Secretary Menardo Guevarra na tumutulong na rin ang National Bureau of Investigation (NBI) sa imbestigasyon.

Ilan pang taga-NBI ang tumutulong din sa manhunt operation laban sa mga nasa likod ng pambobomba.

Samantala, kinondena ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang trahedya, na tinawag ni MILF Chairman Mohagher Iqbal na “criminal act”.

Una nang iniuugnay ang pagsabog sa katatapos na plebisito nitong Enero 21 para sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law (BOC), na bahagi ng kasunduang pangkapayapaan ng gobyerno sa MILF.

Bagamat nagwagi ang “Yes” votes at naratipika ang BOL, nanalo ang “No” votes sa Sulu, na nangangahulugang tutol ang lalawigan na mapasailalim sa bagong regional autonomy na ipapalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

-Fer Taboy at Beth Camia