PAANO kung sa isang biyahe na kasama ang taong mahal mo ay kailangan mo na siyang hiwalayan? Paano ka magpapaalam?
Mula sa Viva Films—na producer ng mga patok na pelikulang love story na 100 Tula Para Kay Stella at Sid & Aya: Not a Love Story—sa pakikipagtulungan ng BluArt Productions at XL8, mapapanood ang pre-Valentine’s Day movie na Hanggang Kailan?, na pinagbibidahan nina Xian Lim at Louise Delos Reyes.
Ang pelikula ay kuwento nina Donnie (Xian) at Kath (Louise), ang magkasintahang nagdiriwang ng kanilang ikalawang anibersaryo. Ngunit sa kabila ng kanilang pagmamahalan, napagkasunduan nilang tapusin na ang kanilang relasyon.
Bago tuluyang maghiwalay, nagbakasyon nang ilang araw ang magkasintahan sa Saga, Japan. Sa gitna ng magagandang tanawin, may mga bagong alaalang mabubuo, may mga pusong madudurog. At noon pa man, alam nilang mangyayari ito.
Sa direksiyon ni Bona Fajardo (I Found My Heart in Santa Fe, Kahit Ayaw Mo Na, at Iliw), mabibigyang-buhay ang kuwentong isinulat ni Onay Sales.
Huling napanood si Louise sa teleseryeng Asintado ng ABS-CBN, at sa pelikulang Para sa Broken Hearted (October 2018). Kaabang-abang kung ano ang bago niyang maipakikita sa kanyang fans, sa unang pagtatambal nila ng Chinito Heartthrob.
Samantala, higit pa sa pag-arte ang kontribusyon ni Xian sa pelikulang ito, dahil isa ang kanyang production house na XL8 sa mga producers ng movie.
Tulad ni Louise, hindi takot si Xian na sumubok ng mga bagong bagay. Noong nakaraang taon, sinimulan niya ang career sa basketball, at kasalukuyan siyang naglalaro para sa Mandaluyong El Tigre sa MPBL (Maharlika Pilipinas Basketball League). Napanood din siya last year sa box-office hit movie na Miss Granny with Sarah Geronimo.
Showing na ang Hanggang Kailan? sa mga sinehan simula sa February 6.
-MERCY LEJARDE