KAPWA nangako sina WBA interim featherweight champion Jhack Tepora ng Pilipinas at ang kanyang challenger na si two-division world titlist Hugo Ruiz ng Mexico na magpapatulugan sa kanilang pagtutuos sa Linggo sa MGM Grand Garden Arena, Las Vegas, Nevada sa United States.
Ang Tepora-Ruiz world championship matchup ang magbubukas sa Showtime four-title-fight PPV televised card na pangungunahan ng depensa ni Manny Pacquiao ng WBA welterweight title nito laban Adrien Broner ng US.
“I don’t usually aim for a knockout but if the opportunity comes, I will take it. I expect the same this time around,” sabi ni Tepora sa Fightnews.com.
Nabatid na may problema sa timbang si Tepora na kailangang magpiga ng anim na kilo bago ang official weigh-in bukas ng umaga. Kung hindi makukuha ang timbang ay tatanggalan siya ng interim title ng WBA kaya si Ruiz lang ang may pagkakataon sa belt.
“I have more experience than him [Tepora]. I have more knockouts than him and I expect to win by knockout this Saturday,” pagyayabang ni Ruiz sa pamamagitan ng kanyang manedyer na si Sampson Lewkowicz.
May perpektong rekord si Tepora na 22 panalo, 17 sa pamamagitan ng knockouts at natamo niya ang titulo nang patulugin ang isa pang Mexican na si Edivaldo Ortega sa 9thround noong Hulyo 15, 2018 sa Kuala Lumpur, Malaysia.
May kartada naman si Ruiz, dating interim WBA bantamweight at WBC super bantamweight titlist, na 38 panalo, 4 talo na may 33 pagwawagi sa kanockouts.
-Gilbert Espeña