ANG pagtaas ng presyo ng gasolina na ipinatupad sa Pilipinas ngayong linggo ay resulta ng pandaigdigang pagtaas ng presyo ng langis, matapos na ipahayag ng Saudi Arabia na babawasan na nito ang produksiyon ng langis. Saudi Arabia ang may pinakamalaking produksiyon ng langis sa buong mundo at nagluluwas ng krudo na pinoproseso ng pinakamalalaking kumpanya ng langis sa mundo para gawing gasolina, diesel, kerosene, at ibang produktong petrolyo.
Sunod sa Saudi Arabia sa pagluluwas ng langis ang Russia; habang ang US, bagamat pangunahing producer, ay itinatago ang karamihan ng mga langis para sa sariling paggamit. Inaangkat ng Pilipinas ang karamihan ng krudo nitong kailangan mula sa Saudi Arabia at Kuwait.
Nitong Lunes, nag-anunsiyo ang PTT Philippines, Eastern Petroleum, Jetti Petroleum, Chevron Philippines, Petro Gazz, at Pilipinas Shell ng malaking dagdag-presyo—P2.40 sa kada litro ng diesel, P1.40 sa gasolina, at P2 para sa kerosene.
Binigyang-diin ng Eastern Petroleum na ang dagdag na presyo sa mga gasolinahan ay dulot lamang ng pagtaas ng pandaigdigang presyo ng langis. Hindi pa nila isinasama ang ikalawang tranche ng TRAIN law—P2 kada litro ng diesel at iba pang petrolyo—dagdag pa ang value-Added Tax na 24 sentimos. Kapag naisama na ito sa presyo ng mga gasolina, aakyat pa ng panibagong dagdag na P2.24 kada litro.
Una nang nagtaas ng presyo ang 369 na gasolinahan, base sa monitoring ng Department of Energy. Sa mga susunod na linggo, ang natitirang 8,006 gasolinahan ay magpapatupad na rin ng dagdag na presyo kasama ng TRAIN tax at VAT.
Ngunit hindi pa dito nagtatapos ang paggalaw ng mga presyo. Sa Pebrero, sa pagtaas ng demand, inaasahang higit pang tataas ang pandaigdigang presyo.
Sa mga pagbabagong ito, marami ang nagtatanong: “Nahaharap ba muli tayo sa mahabang panahon ng pagtaas ng mga presyo na pinagdaan natin noong 2018?”
Matatandaan na nagsimulang magtaasan ang presyo noong Enero ng 2018. Itinanggi ng pamahalaan ang mga palagay na dulot ito ng pagpapatupad ng TRAIN law. Ngunit kalaunan ay naging malinaw na ang mabilis na pagtaas ng mga presyo sa merkado ay dulot ng kombinasyon ng mataas na presyo ng gasolina sa mundo, bagong taripa sa gasolina ng TRAIN at manipulasyon ng presyo.
Noong Mayo 2018, pumalo ang inflation rate ng bansa sa 4.5% at bandang Hulyo ang 5.7% na pinakamataas sa nakalipas na limang taon. Nagpatuloy ito sa pag-angat sa 6.4% noong Agosto, hanggang 6.7% noong Setyembre. At nagsimulang humupa sa pagtugon ng gobyerno sa pamamagitan ng pagdagsa ng mababang presyo ng bigas.
Mula nito’y unti-unti na tayong nakakaahon mula sa taong iyon ng mataas na presyo, ngunit ngayon muling nagbabalik ang pangamba na sa bagong taon ng 2019 maulit ang masamang taon na iyon, dahil muli na namang tumataas ang pandaigdigang presyo ng langis at epektibong ipinapatupad na ang ikalawang bahagi ng TRAIN tax sa diesel.
Nananawagan tayo sa mga economic managers ng pamahalaan na bantayang mabuti ang mga pagbabago sa mga susunod na linggo, upang makalikha sila ng kinakailangang rekomendasyon kay Pangulong Duterte at sa iba pang opisyal ng pamahalaan.